Arsobispo: Mag-ingat sa mapagbalatkayong politiko

archbishop-arguelles

PINAYUHAN ng isang arsobispo ang publiko na mag-ingat laban sa mga manloloko at mapagbalatkayong politiko ngayong nalalapit na ang Pasko at eleksyon.

Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, ngayong nalalapit na ang 2013 midterm elections ay tiyak na maraming politikong mamimigay ng regalo at tulong sa mga mahihirap para ipakita na sila ay may mabuting puso at dapat na muling mahalal sa puwesto.

Kaugnay nito, hinimok ni Arguelles ang mga botante na maging matalino sa pagboto at huwag magpadala sa panlilinlang ng mga politiko.

Sinabi ng arsobispo na marami sa mga politiko ang tumutulong lamang tuwing eleksyon subalit kapag nahalal na sa pwesto ay nakakalimutan na ang mga mahihirap na mamamayan.

“Kapag lang yan may eleksyon saka lang yan tutulong ang mga pulitiko na yan. Namimigay sila ng kaunting tulong sa mga mahihirap na ikatatawid ng kanilang gutom lalo na kapag malapit na ang pasko. Pero the rest of their term ay pababayaan na sila,” pahayag ni Arguelles, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Iginiit ni Arguelles na minsan nga ay nagagamit pa ng mga politikong ito ang banal na pagdiriwang ng Simbahan gaya ng banal na misa sa pamamagitan ng pagbanggit ng kanilang pangalan sa misa.

Ayon sa arsobispo, kung siya ang tatanungin ay hindi na dapat pang ianunsiyo ang pangalan ng mga politiko sa mga misa at sa halip ay dapat na taimtim na lamang na manalangin ang lahat dahil ang banal na misa ay para sa Panginoon.

“Kaya paalaala ko sa mga tao sana maging matalino tayo sa pagboto. Sana sa pagkatapos ng maraming panahon na niloloko sila ng mga pulitiko ay magising na sila at magtulong tulong na tayo dahil kapag nagsama-sama tayo ay hindi mananalo ang mga pulitikong manloloko!” aniya pa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply