Asawa ng ex-promoter ni Pacquiao inararo ng truck, todas

bangkay-2

PATAY ang maybahay ng dating promoter ni boxing champ Manny Pacquiao matapos mahagip ng delivery truck kagabi  sa Sampaloc, Maynila.

Nakilala ang biktima na si Tomasa Pamiloza, 76 anyos, at asawa  ni Brgy. Chairman Alexander “Bomber” Pamiloza na dati namang promoter ni Pacquiao noong nagsisimula pa lamang ito sa larangan ng pagboboksing.

Naaresto naman ang truck driver na si Deo Obrado at kanyang porter na si Michael Melloria.

Ayon sa report ng Manila Traffic Bureau, naglilinis ang  biktima sa labas ng kapilya nang mahagip ito ng truck.

Nabatid na bago nasagasaan ang biktima ay sinagasaan muna ng driver ang mga harang at halaman  sa lugar.

Sinigawan pa umano ng ilang testigo ang truck na ihinto ito kung saan naroon ang biktima ngunit huli na ang lahat ng aksidenteng araruhin ang matanda.

Nabatid na naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng tinamong fracture sa buto at mga sugat sa katawan at pagkawasak ng kanyang atay.

“Bali-bali buto niya sa likuran, noong inooperahan na nalaman na nawasak ang atay,”  ayon kay Chairman Bomber.

Lumalabas naman sa pagsisiyasat ng pulisya na kinuha umano ni Melloria ang susi ng truck sa driver na si Obrado at pinaandar nito mag-isa.

“Umihi ho ako tapos pinaandar niya na biglang umarangkada kaya inaagaw ko ang manibela kasi nawalan na siya ng kontrol,”  paliwanag naman ni Obrado.

Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso sina Mellora at Obrado.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply