Biazon lahat sinasagasaan

HINDI lang basta laban nang laban ang ginagawa nitong si Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon kundi talagang totohanan ang kanyang kampanya laban sa mga smuggler na nagnanakaw nang dapat sana ay buwis na pumapasok sa kaban ng bayan.

Sa kanyang pagsunod sa “tuwid na daan”ni Pangulong Benigno Aquino III, lahat ay sinasagasaan ni Biazon kahit pa handa ang mga ito na umareglo kahit magkano sa kanyang tanggapan na dapat sana ay malaking dagdag sa kanyang yaman.

Kaya nga upang hindi pamarisan ng mga tiwaling negosyante na magtatangka pang magpuslit ng mga kalakal sa bansa, sinampahan ng kaso sa Bureau of Customs sina Sanshane Barita, may-ari ng CSB Import and Export at Diorito Alberca, customs broker, dahil sa pagpupuslit ng float glass mula sa China na nagkakahalaga ng P30 milyon.

Kasong paglabag sa Tariffs and Customs Code of the Philippines ang isinampa sa Department of Justice laban sa dalawa.

Ayon kay Biazon, pinalabas na ang 25 twenty-footer container vans ng float glass ay clear glass at dumaong sa Port of Davao mula China noong Sept. 14, 2012. Makalulusot sana ito kung hindi sa pagiging alerto ng grupo ni  Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG) and Run-After-The-Smugglers (RATS) head Peter Manzano.

Nagpalabas ng alert order si Manzano kung kaya’t kaagad na hinarang ang mga kargamento at masusing sinuri.

Nakumpirma ng BoC sa tulong ng Industry Commodity Expert for glass products na si Mr. Lodem Lascuna ng Federation of Philippine Industries (FPI)  na mali ang deklarasyon sa float glass kung kaya’t kaagad na nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) si Port of Davao District Collector Martiniano B. Bangcoy.

Tinangka nina Barita at Alberca na iwasan ang mahigit P6 milyong buwis na dapat sana ay kikitain ng pamahalaan kaya naman mas malaki ang nawala sa kanila at ang masakit ay may kaso pa silang kakaharapin.

Kaya nga nagbabala si Biazon sa iba pang smugglers na magtatangkang lokohin ang pamahalaan dahil hindi na ito mangyayari sapagkat lahat ng mga tauhan ng BoC ay nakaalerto at hindi magpapasuhol.

Payo ni Biazon sa mga iligalistang nagpaparating ng mga epektos dito sa bansa na tigilan na ang kanilang gawain sapagkat hindi siya magsasawa sa paglaban sa mga ito hanggang lahat sila ay masampahan ng kaso at magdusa sa kulungan.

Isa na namang pagsaludo sa nagawa ng Bureau of Customs sa ilalim ng pamamahalan ni Biazon.

Happy 8th Birthday to my jewel Santiago Lean who will be celebrating on Sunday.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply