‘Bike lanes’ at ‘road safety park’ itatayo sa Maynila

MAGTATAYO ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng “bike lanes” at “road safety park” sa Maynila sa Huwebes upang mapalakas pang lalo ang kampanya sa pagbibisikleta.

May habang 1.755 kilometro ang naturang “bike lane” na magkokonekta sa Remedios Circle hanggang sa Paraiso ng Batang Maynila sa M. Adriatico Street.
Maglalagay din ng dagdag na bike lane ang MMDA mula Quirino Avenue hanggang sa Cultural Center of the Philippines sa Roxas Boulevard na may habang 550 metro.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang naturang bicycle lanes ay ekslusibo lamang sa mga nagbibisikleta tulad ng inilagay sa Marikina City.  Ilulunsad din ang Children’s Road Safety Park sa may Adriatico at Quirino Avenue sa tapat ng Manila Zoo.

Samantala, plano rin ng MMDA na maglagay pa ng mga dagdag na bicycle lanes sa mas mapapanganib na highways tulad ng Commonwealth Avenue sa Quezon City at Marcos Highway sa Marikina at Pasig City.

Matatandaan na una nang inihayag ng MMDA ang plano na bigyan ng eksempsyon sa “number coding” bilang gantimpala sa lahat ng uri ng empleyado na gagamit ng bisikleta at makaka-30 oras ng pagpadyak sa loob ng isang linggo papasok sa kanilang mga trabaho.

Patuloy din naman ang pagpapaganda ng MMDA sa Metro Manila sa pagkakabit ng mga halamang nakasabit sa lahat ng flyovers at tunnels sa kahabaan ng EDSA para sa promosyon ng “green Philippines”.

Bukod sa “vertical gardens” maglalagay rin ng nasa 900 plant boxes ang ahensya sa bawat poste ng ilaw sa EDSA.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply