Binata binistay ng bala

SINUGURONG patay, nang iwang nakahandusay ang isang 24 anyos na binata nang tatlong beses pagbabarilin ng umano’y kaaway nito sa pag-ibig sa Sta.Cruz, Manila, kamakalawa ng hatinggabi.

Naisugod pa sa Mary Johnston Hospital, subalit hindi na rin naisalba ng mga manggagamot ang biktimang si Jimel Garcia, ng 1240 Laguna St., Tondo.

Samantala, patuloy naman ang pangangalap ng mga testigo na magpapabaon sa kasong pagpatay sa suspek na nakilalang si Rolando Magpantay Jr., alyas “Jay-ar”, ng 1073 F. Yuseco St., Tondo, na mabilis na tumakas bitbit ang ginamit na baril.

Batay sa ulat na isinumiti ni Det.Milbert Balinggan ng Manila Police District (MPD)-Crime Against Persons Investigation (homicide) section, dakong 11:30 ng hatinggabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa harapan ng Mega Drive Motor Parts sa panulukan ng Old Antipolo at Tomas Mapua Sts., sakop ng Sta Cruz.

Nauna dito, napansin ang suspek na tila may hinihintay sa nasabing lugar hanggang sa nakita nitong sumakay sa isang tricycle ang biktima at isang Jesus Garcia, na umano’y  barangay Tanod ng Brgy 224, Zone 21, District 2.

Nilapitan ng suspek ang biktima at walang sabi-sabing pinagbabaril.

Tinangka pa ng biktima na tumalon mula sa tricycle subalit hindi na nito nakayanan pang bumangon.

Hindi pa nasiyahan ang suspek at muling binaril ang biktima saka ito tumakas papalayo.

Nabatid sa ilang usyoso sa lugar, na love triangle ang sinasabing motibo ng pagpatay, dahil sa umano’y ang dating kinakasama ng biktima ay napunta na umano sa suspek.

Hinala umano ni Magpantay na nagkikita pa rin ang kanyang kinakasama at ang biktima, kaya niya pinlano ang pagpatay.

Gayunman, habang patuloy ang pagtugis sa suspek, masusing imbestigasyon naman ang isinasagawa ng pulisya, upang matukoy talaga ang tunay na dahilan ng pagbaril sa biktima. Pansamantalang inilagak ang labi ng biktima sa Cruz funeral Morgue para sa kaukulang awtopisya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply