Bitay at ‘di pa tapos ang kaso ni Cyrish Magalang

SINASABI ng mga pulis na ‘case closed” na ang krimeng robbery with homicide kay Cyrish Magalang, ng Molino 3, Bacoor, Cavite.

Nahuli at nagkaroon na umano kasi ng “confession” ang mga suspek na sina Roel at Rolin Gacita na kalugar mismo ni Cyrish.

Umamin ang dalawa na sila ang pumatay kay Cyrish na pasahero nila sa traysikel na minamaneho ni Roel.

Itong si Rolin ang nakisakay sa pasaherong biktima sa loob ng traysikel at nagsagawa agad ng holdap na pinalagan ng biktima.

Sa loob pa lang ng traysikel ay sinimulan nang saksakin ni Rolin si Cyrish ngunit lumalabas na naging malakas ang biktima.

Hanggang sa maisipan nilang dalhin na lang si Cyrish sa Molino 7 upang reypin sana ni Rolin ito.

Sa pagpalag ng biktima, tuluyan na lang itong pinagsasaksak ng 49 beses sa pamamagitan ng screw driver saka binasag ang mukha sa pamamagitan ng isang hollow block.

HINDI PA SARADO ANG KASO

Mismong si Cavite Police Provincial Director S/Supt. John Bulalacao ang nagsasabing “case closed” na ang kaso nang mahuli ang mga Gacita at umamin sa kanilang pagkakasala saka humingi ng tawad sa pamilya ni Cyrish.

Wala tayong duda na sarado na nga ang kaso.

Pero tahasan nating sasabihin kay Kernel Bulala-cao na malayo pang sarado ang kaso.

Bakit?

NASAAN ANG MGA PUSHER?

Umpisahan natin, Kernel Bulalacao, sa pagdodroga ng mga Gacita.

Umamin ang dalawa na bago naganap ang krimen, suminghot muna sila ng drogang shabu.

Isang tanong, Kernel, sino-sino ang mga pusher ng mga Gacita?

Huwag po ninyong sabihin na wala kayong gagawin para kilalanin, hanapin at dakpin ang mga pusher ng mga Gacita.

Kung hindi ninyo gagawin ito, sa palagay po ba ninyo ay may silbi pa ang pulisya sa bayan ng Bacoor at lalawigan ng Cavite?

NASAAN ANG DRUGLORDS?

Palawakin at pataasin natin ang antas ng pagsisiyasat, mga Bro.

Nasaan ang mga druglord ng mga pusher nina Gacita?

Yang mga kinaklase-klase ng mga pulis na druglord mula sa maliit hanggang medium at large, nasaan ang mga ‘yan?

Sa palagay ba ninyo, Kernel Bulalacao, eh, may silbi pa ang mga opisyal ng pulisya sa Bacoor at Cavite kung wala silang makikilalang druglord na nagpapakalat at nagbebenta ng droga sa mga lugar na ito?

NASAAN ANG MGA PROTECTOR?

Lalo nating itaas, mga Bro, ang pag-usisa sa droga ng mga Gacita.

Meron at merong kasong pambabangketa sa mga user at maliliit na pusher.

Meron ang meron ding ganito sa mga druglord.

At karaniwang gawa ng mga pulis ito.

Tanong: Kernel Bulalacao, wala ka bang nababalitaang nangyayari na ganito sa Bacoor at Cavite?

Sa puntong ito, gusto nating malaman mismo kay PNP Chief Nic Bartolome kung sa 2,000 police personnel na nakademanda ay may mga nambabangketa ng droga na pulis-Cavite.

INUTIL NA MGA POLITIKO

Lalo nating itaas, mga Bro, ang talakayan ukol sa droga hindi lang sa Bacoor kundi sa buong lalawigan ng Cavite.

Ano-ano ang ginagawa ng mga politiko sa bayan ng Bacoor at lalawigan ng Cavite?

Mula sa mga tserman at kagawad ng barangay hanggang sa mayor at mga konsehal, ano-ano ang kanilang ginagawa laban sa droga?

Mula sa mga kongresman hanggang gobernador at mga bokal, ano-ano ang kanilang mga ginagawa laban sa droga?

Hindi tayo mapalagay, mga Bro, kung ingunguso lang ng mga politiko ang mga pulis na may hurisdiksyon at may trabaho lamang sa usaping ito.

Dahil kung mangyari ito, aasahan natin na masusundan pa ang krimeng katulad ng nangyari kay Cyrish.

MGA PABAYA PANAGUTIN DIN

Gusto nating ipunto na hindi simpleng krimen ang naganap kay Cyrish.

Maraming gawa ng iba’t ibang tao na nagkawing-kawing hanggang sa maganap ang mapait niyang kamatayan.

Sa ibang salita, mga Bro, dapat panagutin ang lahat ng mga taong ito.

Kasama sa mga dapat na panagutin ang naging pabaya sa tungkulin na mga lider ng bayan sa nasabing lugar.

Lumalabas kasing sa pulitika lang magagaling ang maraming politiko at hindi sa mga naglalagay sa panga-nib ng buhay ng mamamayan.

BITAY ANG SOLUSYON

Sinasabing may ilang kongresman ang tumututol sa pagpapanumbalik ng parusang bitay.

Mayroon ding mga senador. At mayroon ding mga taga-Palasyo.

Siyempre pa, naiintindihan natin na may mga rason ang mga ito.

Pero kung isang araw ay magiging biktima ang mga ito ng nasa pitong milyong nakadroga at pagpapatayin sila, mananatili pa rin ba silang anti-bitay?

Paano kung magiging biktima sila ng mga sindikato at malawak na sabwatan sa droga?

BITAY SA IBANG MGA BANSA

Ang nalalaman natin, may parusang bitay kahit sa Amerika at 36 ang estado rito ang nagpapatupad nito.

May bitay ring parusa sa Tsina, Vietnam, mga Arabong bansa, Singapore at marami pang iba.

Epektibo itong pangontra sa droga dahil kinikitil nito ang buhay ng mga gumagawa, nagbebenta at nagpapalaganap nito.

Kaya naman, okay tayo na muling buhayin at pairalin ang parusang bitay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply