Bitay sa notoryus na mga kriminal at mandarambong

_benny antiporda

MAGKAKASUNOD na naganap ang mga karumal-dumal na krimen laban sa kababaihan nitong nagdaang mga araw at linggo.

Halos lahat ng mga gumawa ng krimen ay nahuli o sumuko.

Ngunit hindi na maibabalik pa ang mga buhay na pinagkikitil nila sa nakasusukang paraan.

Ang tanong: sapat bang makulong ang mga nahuling suspek?

BUHAY ANG KABAYARAN

Halos lahat ng mga pamilya ng mga biktima ay humihiling ng katarungan.

At ang katarungan para sa kanila ay “kung ano ang inutang, gayun din ang kabayaran.”

Ito’y hindi para lang sa kanila na biktima.

Kung pakinggan ang kanilang hikbi, sinasabi nilang “para hindi sila tularan ng iba.”

Ang katarungan para sa kanila ay hindi lang nangangahulugan ng pangungutang ng buhay at pagbabayad ng buhay pabor sa kanila.

Naririyang ang dalangin nila na sana’y hindi sapitin ng iba ang kanilang napakalungkot na karanasan.

At ang pagpaparusa ng bitay sa mga kriminal ay epektibo sa pagpigil sa utak kriminal na gumawa ng krimen.

MAY KATWIRAN

Hindi pupuwedeng balewalain ang kaisipan at paninindigan ng mga biktima.

Dahil hindi lang pansariling interes ang kanilang isinusulong kundi ang interes din mismo ng sambayanan.

Gusto nilang mabuhay nang normal at walang takot sa kapwa tao ang mga kababaihan.

Gusto nilang malayang mamuhay ang mga kababaihan nang walang kaba sa dibdib sa pagiging mag-isang naglalakad sa lansangan o namumuhay sa loob ng kanilang mga tahanan.

Gusto nilang mabuhay ang mga kababaihan na marami ang mga pangarap hindi lang para sa kanilang mga sarili kundi sa kapwa.

Sa katunayan nga, lahat ng mga biktimang dalaga nitong nakaraang mga araw ay napakatatayog ang mga pangarap para sa kanilang mga pamilya at kapwa.

Ang dalawang may-asawa ay sandalan naman ng kani-kanilang mga pamilya.

Batay sa mga ito, may katwiran ang mga biktima na wakasan nang ganap ang mga mararahas na pagpaslang sa mga kababaihan.

Parusang bitay ang ganap na katugunan sa mga karumal-dumal na krimen sa mga kababaihan.

BITAY SA IBANG MGA BANSA

Ang Amerika na sinasabing balwarte ng sinasabing pagkukulong lamang sa mga  notoryus na kriminal at hindi pagbitay ay may 33 estado na nagpapairal ng parusang bitay.

Bagama’t bibihirang mambitay ang 33 estado, pinaiiral pa rin ang parusang ito.

Dapat na alalahanin na higit nanakararami sa 53 estado ng Amerika ang nagpapairal ng parusang bitay.

Isa pa, pinaiiral din ng gobyernong Kano mismo ang parusang bitay.

Gayundin ang militar nito.

BAKIT KULONG LAMANG?

Kung may bitay sa Amerika, hindi natin lubos na maisip kung bakit ipinagbabawal ito sa ating bansa na sobra-sobra na ang mga krimen na nagaganap.

Marami ring bansa ang nagpapairal ng bitay gaya ng Singapore, Vietnam, Tsina, mga Arabong bansa at iba pa.

At nakikita sa mga bansang ito na talagang epektibo ang parusa para matiyak ang mapayapang pamumuhay ng mamamayan.

Bakit ganun na lang naman ang pagkapit ng ating gobyerno sa patakarang pagkukulong lang ang parusa sa mga notoryus na kriminal?

Hindi kaya may malaking pagkakamali ang ating pamahalaan ang pagkakaroon ng paniniwala na pumapabor sa mga notoryus na kriminal?

BITAY SA MGA MANDARAMBONG

Para sa atin, higit na iniisip ng mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang mga sarili kaysa kapakanan ng mamamayan ukol sa parusang bitay.

Palibhasa, sakop ng mga batas para sa parusang bitay ang mga mandarambong.

At ang mga mandarambong ang pangunahing isponsor ng mga pagkilos para labanan ang parusang bitay.

Sa pandarambong, basta napatunayan ang isang empleyado o opisyal kaya na nagnakaw o nandaya sa kaban ng bayan ng mahigit P50 milyon, bitay ang katapat ng kanyang kalokohan.

Hindi kaya ito ang pinakamalaking dahilan kung bakit ayaw na pairalin o buhayin ng mga taga-pamahalaan ang parusang bitay?

PORK BARREL AT MGA KONTRATA

May P210 milyon na pork barrel ang isang kongresman sa loob ng tatlong taon niyang termino.

Ang senador ay naman ay may P600 milyong pork barrel.

Aminin man o hindi ng mga taga-Kongreso, may mandarambong sa kanila sa pagbuhos ng pamahalaan ng pondo para sa kanilang mga pork barrel.

Ang mga taga-Palasyo rin ay hindi libre sa listahan ng mga mandarambong.

Huwag sabihin ng mga taga-Palasyo na hindi na nila katulad ng nakaraang administrasyon na nagkaroon ng mga mandarambong sa mga kontratang multibilyon sa tren, sa komunikasyon, sa paggawa ng mga kalsada, pier at airport, importasyon ng bigas, Philippine Charity Sweepstakes Office, pag-bili sa mga gamit militar at pulis, bumbero at iba pa.

MAMAMAYAN PAKINGGAN

Panahon na para pakinggan ang iyak ng mga biktima ng mga karumal-dumal na krimen.

Panahon na rin na malinis ang pamahalaan mula sa mga mandarambong.

Panahon nang ibalik ang parusang bitay alang-alang sa mga mamamayang biktima ng mga notoryus na kriminal sa loob at labas ng pamahalaan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply