Bodega ng NFA sa QC, sinugod ng mga maralita

SINUGOD ng mga maralitang-lungsod na kasapi ng Kalipunan ng Damayang ang sentral na bodega at tanggapan ng National Food Authority sa Quezon City ngayong umaga.

Binira nila ang naganap na pagkasira ng aabot sa 50,000 sako ng Iron-Fortified Rice (I-Rice) na nakaimbak sa mga bodega ng nasabing ahensiya.

Ayon sa tagapagsalita ng mga maralita na Salvacion Berza, lokal na lider mula sa North Triangle, QC, bagama’t nabili ang nasabing imported na bigas noong 2008 sa panahon ng dating Pangulong Gloria Arroyo, dapat pa ring managot si Pangulong Aquino sa kawalang aksyon nito sa nakaraang higt sa dalawang taon ng panunungkulan upang matiyak na mapakinabangan pa ng mamamayan ang mga  bigas  .

Ayon din sa Kadamay, pinipili pa ni Aquino na mabulok ang mga bigas kesa ilabas ang mga ito ng libre o sa mas murang halaga sa lokal na pamilihan dahil sa pinuproteksyon umano ng gubyerno ang interes ng mga kartel ng bigas at ng mga kapitalista nasa nagbebenta ng mga commercial rice sa bansa.

“Kung ipinamahagi na lang ng libre ng gubyerno ang nasabing mga bigas, tiyak na bababa ang halaga ng mga commercial rice sa lokal na pamilihan,” ani Berza.

P27 kada kilo ang halaga ng mga NFA I-Rice sa lokal na pamilihan. Hindi umano ito nalalayo sa mga commercial rice na nagkakahalagang P30 sa pinakamababa.

Ang mataas na presyo ng bigas na siyang pangunahing pagkain ng mga Pilipino ang isang dahilan kung bakit mataas ang tantos ng kagutuman sa bansa, ayon sa Kadamay

Ayon kay Berza, maraming maralitang-lungsod ang ngayon ay napipilitang kumain ng dalawang beses na lang sa isang araw. Kasama sila sa aabot sa 4.3M pamilyang nagugutom na Pilipino.

“Maraming maralita ang hindi magugutom kung ipapamahagi ng gubyerno ang mga tone-toneladang bigas sa mga bodega ng NFA, sa halip na hayaang masira, lalo pa at paparating na ang Kapaskuhan,” hirit ni Berza.

Ang pagkilos ng Kadamay ngayong araw ay bahagi ng isang linggong protesta ng maralitang lungsod bago ang Araw ni Bonifacio laban sa tumitinding kahirapan, kagutuman at pambubusabos sa ilalim ng Rehimeng Aquino. Inaasahang libong maralita sa buong bansa ang lalahok sa pagkilos sa Nobyembre 30.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply