Buhay ng tao higit sa lahat

abiso-marikenyo-paul-edward-sison-online

KAHIT pa malaki ang epekto sa aming budget ng pagpasa ng Sin Tax Bill, minabuti naming Public Information Officers na suportahan ito sa pamamagitan ng isang resolusyon na aming pinirmahan nu’ng monthly meeting ng Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM) na ginanap sa Philippine Information Agency sa Visayas Avenue sa Quezon City.

Bisita namin nu’ng Biyernes si Health Undersecretary Ted Herbosa, ang napakahusay na advocate laban sa paninigarilyo. Ngayong araw  ang kritikal sa pagpasa ng batas na ito sa Senado kaya’t humihingi ang DOH at mga doktor ng suporta para maipasa na itong Sin Tax Bill.

Ngayon lang daw nangyari na sinuportahan ng mga kapwa niya doktor ang panukalang ganito. Para raw kasi sa kanila, higit sa pagiging isang revenue measure, ito ay isang health measure na makababawas sa mga magiging biktima ng sakit dulot ng paninigarilyo.

Sa atin pala ang pinakamurang sigarilyo kung ikukumpara sa ibang bansa kaya nga raw pansinin nyo ang bitbit ng mga turista palabas ng ating bansa – ream ng mga sigarilyo.

Namatay raw sa lung cancer ang ama ni Herbosa dahil sa paninigarilyo kaya biglaan niyang itinigil ang paninigarilyo sa edad na 33. Nagsimula siya sa bisyong ito nu’ng 9 years old pa lang siya. Dulot ito ng peer pressure at ang pagnanais na maging “in” at “accepted” ng mga kaklase niya noon sa isang exclusive school.

Ayon sa kanya, ginagawa niya itong kampanya para maipasa ang Sin Tax bill dahil gusto niya na mas maraming tao – higit sa lahat mga kabataan – ang maligtas ang buhay dahil sa pagtigil o pag-iwas sa paninigarilyo.

“Sinasabi ng mga kontra sa Sin Tax Bill na marami raw mawawalan ng trabaho dahil dito. Ang masasabi ko lang, ang trabahong nawala ay maaaring palitan ng iba pang trabaho na mapapasukan. Pero, ang buhay na nawala dahil sa sakit ay hinding-hindi na natin maibabalik,” paliwanag ni Herbosa.

Ang dagdag-kita raw dahil sa tax na ito ay magagamit ding pampondo ng health programs ng gobyerno ayon kay Herbosa.

Mapalad tayo na mayroon tayong tulad ni Dr. Herbosa na nagtataguyod nitong bill na libo-libong pamilya

ang makikinabang pag naipasa ito bilang batas ngayong araw na ito.

Tulad ng sinabi ko kanina, isa kami sa maaapektuhan sa pagtaas ng presyo ng alak at sigarilyo pag naisabatas ngayong araw ang Sin Tax Bill – ngunit, sinusuportahan namin ito dahil sa mas higit na benepisyong idudulot nito sa mas nakararaming tao.

Sana kayo rin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply