Bumaha ng alak sa Red Cross meeting

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

HANGGANG ngayon ay nalilito pa rin ang mga taga-accounting department ng Philippine Red Cross kung paano nila ikakategorya ang lumabas na pera mula sa kanilang kaban.

Noong Disyembre 27, 2011, nag-isyu ang PRC ng kanilang Metrobank check sa ilalim ng Account numbers 00715151480-0 at 007151514800 bilang kabayaran kay PRC Secretary General  Gwendolyn Pang.

Batay sa mga nakuha nating dokumento, ang bayad ay para sa volunteers meeting na ginanap sa Sky Lounge sa Diamond Hotel sa Roxas Blvd. na may petsang Oktubre 28, 2011 at ang halaga ay maliit lamang naman, P26,750.15.

Nang matapos ang volunteers meeting bandang alas-9:49, BDO Master Card ni Pang ang ginamit para bayaran ang bill sa lounge. Ibig sabihin, talagang kailangang ma-reimburse ng PRC ang binayaran ni Pang dahil officials business ang naganap na pulong.

Nakasaad sa Official Receipt No. 69821 na inisyu ng Diamond Hotel para sa PRC, ang kabayarang P26,750.15 ay para sa meals. Siyempre, kapag sinabing meals, awtomatikong kasama na r’yan ang drinks bagama’t hindi nakalagay sa OR.

Ang tanong ngayon, kung official meeting ito ng PRC at agenda ay para sa pagliligtas ng buhay sa panahon ng kalamidad, bakit ang resibo na naka-attach sa reimbursement voucher ay namumutaktak ng alak?

Usapang matino ba ito o usapang lasshing?

Sa nakuha nating resibo, ang mga inorder sa Skylounge ng PRC volunteers ay ang paminsan-minsang paborito ko na Carlos I (2 orders), manamis-namis na brandy ito na mild lang ang tama.

Ang ibang nasa resibo ay ang Absolute Kurant (12 orders), Jose Cuervo Gold (2 orders), red wine (5 orders), San Miguel Beer Light (5 orders), SMB strong ice (2 orders), Vodka Ice (2 orders), Vodka Cruiser Blue (2 orders), Vodka Cruiser Rasp (2 orders), Amaretto Paradise (4 orders), Mai Tai (2 orders), Pinacolada (2 orders).

May iba rin namang juices and shakes na order at mga pork bbq, dips and chips at salt and pepper squid.

Ngayon, bakit ko ba kailangang ukilkilin ito gayung ang PRC ay isang pribadong grupo naman na ang buhay ng pondo ay nagmumula sa mga donasyon mula sa local at international donors?

Dito nga po natin dapat sukatin kung nagagamit ba sa tama ang pondo ng PRC para mas lalo pang mahikayat ang mga donor na magbuhos ng pondo para sa humanitarian missions ng Red Cross.

Tanong: dapat ba talaga sa 5-star hotel ganapin ang volunteer meeting ng PRC na kilalang makatao, makamahirap at handang magsakripisyo para sa mga nangangailangan?

Okey fine, for the sake of argument na puwede naman talaga iyon dahil nga may mga sinasabi silang Australian Red Cross guests.

Ang isa pang tanong, dapat ba talagang bumaha ng alak sa meeting ng Red Cross?

Sana lang may dala kayong rubberboat para mas madaling makasagip sa mala-Ondoy na order n’yong alak!

At ang pinakaimportanteng tanong na dapat sagutin ni Madame Gwendolyn Pang, kung Oktubre 28, 2011 ang meeting sa Diamond Hotel, wala ba itong kinalaman sa kanyang birthday na Oktubre 26,1974?

Hindi naman siguro masamang magtanong kay Ms. Pang kung iyon ay volunteers meeting o isang birthday blowout?

Kung meeting at deklaradong official function iyon ng PRC, bakit hindi ensaymada ng Diamond Hotel na napakasarap with coffee or juices on the side na lamang ang inorder n’yo para hindi umabot sa mahigit dalawampung libong piso ang bill?

At kung iyon naman ay alyas blowout para sa 38th bday ni Gwendolyn Pang,   bakit kailangan ma-reimburse mula sa pondo ng PRC?

Parang hindi bagay ang magarbong pulong sa isang NGO na umaasa lamang sa tulong.

Okey, Ms. Pang, face the blackboard at isulat mo ng ten thousand times na “hindi na po mauulit ang maluhong meeting, mga mahal naming donors!”

Tagay pa!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply