Cardinal Tagle balik-Pinas na

antonio-tagle

DUMATING na sa bansa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle matapos ang kanyang elebasyon bilang miyembro ng College of Cardinals ng Simbahang Katoliko kamakailan.

Sinabi ni Tagle sa isang press conference sa NAIA paglapag ng kanyang eroplano dakong 11:00 ng umaga, na patuloy siyang maninindigan, kasama ang kanyang mga kapwa Catholic prelate, laban sa Reproductive Health (RH) bill.

Noon pa man ay nag-isyu na ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng posisyon kontra sa RH bill at ganito rin aniya ang kanyang posisyon.

“Ilang taon nang nag-issue ang mga obispo ng Pilipinas ng pananaw at opinyon tungkol sa isyu. Dahil ako ay obispo ng Pilipinas, hindi kakaiba ang sasabihin ko,” aniya pa.

Tumanggi naman itong magbigay ng pahayag hinggil sa Catholic vote na isinusulong ng kanyang mga kapwa obispo laban sa mga pro-RH lawmakers dahil hindi pa aniya niya alam ang isyu tungkol dito.

Samantala, aniya pa, bagamat malabong makabisita sa bansa si Pope Benedict XVI dahil sa edad nito ay hamon naman nito sa mga Pinoy, na aniya ay isang ‘very Catholic country,’ na magbahagi ng kontribusyon sa mundo.

“Baka meron ding hamon, na sana ang pagiging Katoliko ng bansang Pilipinas ay magkaroon ng contribution sa iba pang bahagi ng mundo,” aniya pa.

Samantala, tinawanan lamang ng cardinal ang mga espekulasyon na nagsasabing isa siya sa mga contender para magiging susunod na Santo Papa.

Ayon kay Tagle, iba ang paraan nang pagpili ng Santo Papa dahil ito aniya ay hindi popularity contest o reality TV lamang na maaari kang magpadala ng boto sa pamamagitan ng mga text.

“I treat it as speculation… hindi ito popularity contest o reality TV na magpapadala ka ng vote through text message,” aniya.

Pinasalamatan din ni Tagle ang mga Pinoy sa patuloy na pagdarasal at suporta para sa kanya.

Si Tagle, 55, ay pinakabatang cardinal sa Pilipinas at ikalawa naman sa buong mundo.

Siya ang ikapitong Pinoy na nahirang bilang cardinal kasunod nina Rufino Cardinal Santos, Julio Cardinal Rosales, Jaime Cardinal Sin, Ricardo Cardinal Vidal, Jose Cardinal Sanchez at Gaudencio Cardinal Rosales.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply