Carnapping syndicate leader Ryan Yu, nasa Thailand na

ryan-baktin-yu

NAKAPUSLIT na palabas ng bansa ang carnapping syndicate leader Ryan “Baktin” Yu, na buhay man o patay ay pinaglaan ni Davao Vice Mayor Rodrigo Duturte ng mahigit sa P5 milyong  pabuya kapalit ng ulo nito.

Dahil dito, umuusok ang ilong ni Duterte sa galit at sinabi na may Hudas Iskaryote sa mga miyembro ng awtoridad kaya ito ay madaling nakapuslit sa Pilipinas patungong Thailand.

Sa katunayan, napag-alaman niya na hanggang ngayon ang ilan pa rin sa mga nanghudas sa kanya ay may nakakausap pa rin si Yu kaya alam na alam nito ang mga bagong kaganapan hinggil sa kanyang kaso.

Ito rin ang isa pang dahilan kung bakit sa kabila, aniya, ng malaking pabuya na kanyang inilaan ay hindi mahuli-huli ng awtoridad ang tinik sa lalamunan ni Duterte .

Dahil nais talagang masilo, nakipag-ugnayan na agad si Duterte sa International Police (INTERPOL) upang ipahuli si Yu na huling napabalita na nasa Thailand na ngayon.

Hindi naman nabanggit ni Duterte kung kailan nakapuslit palabas ng Pilipinas si Yu, na tinaguriang King of carnappers ng Davao City.

Gayunpaman, pinaalalahan din nito ang Interpol na agad kumilos dahil baka makaalis si Yu sa Thailand at magpunta sa iba pang bansa sa Asya at mahirapan na itong mahanap pa.

Kinumpirma rin ng opisyal na handa ang mga benefactors na maglaan ng pabuyang $20,000 sa kahit sinong makakahuli sa suspek sa labas ng bansa.

Una rito, naging kontrobersiyal ang pahayag ni Duterte na kung sakaling mahuli ng patay o buhay si Baktin ay nakahanda itong magbigay ng pabuya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply