Catholic vote pairalin sa 2013 polls

IGINIIT ng isang opisyal ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na dapat pairalin ng mga mananampalataya ang Catholic vote laban sa mga mambabatas na pabor sa pagsusulong ng Reproductive Health (RH) bill ngayong nalalapit na May 2013 national and local elections.

Hinimok ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles, vice chairman ng Episcopal Commission on Family and Life ng CBCP, ang mga mananampalataya na bumoto sa halalan ayon sa utos ng Panginoon.

Ayon kay Arguelles, napapanahon nang manindigan ang mga Katoliko sa pamamagitan nang pagtanggi sa mga kandidato na hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos.

Paliwanag ng arsobispo, kailangan nang iparamdam ng mga Katoliko sa nalalapit na halalan sa Mayo ang minamaliit na Catholic vote.

Giit niya, maiiwasan lamang ang “ethnic cleansing, contraceptive mentality, paglaganap ng imoralidad, pagkasira ng pamilya at promiscuity sa Pilipinas kapag inihalal ng mamamayang Pilipino ang mga kandidatong nagmamahal sa buhay at hindi sumisira dito.

“Ethnic cleansing itong ginagawa nila kung bakit isinusulong ang RH bill sa bansa. Gusto nilang ubusin tayo! Kaya ang mga Katoliko ay bumoto ayon sa utos ng Diyos. Kaya kapag mayroong kandidato na hindi sumusunod sa utos ng Diyos, dapat tanggihan yung mga yun! At kailangan na magkaroon ngayon ng Catholic vote. Dapat ipakita natin ang pagiging tunay na Katoliko. Marami diyan ay mga pekeng Katoliko, yun ang naghahari sa atin,” panawagan pa ni Arguelles, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Para naman kay Batanes Bishop Camilo Gregorio, walang sinuman ang makapagpapalit sa utos ng Diyos.

Ayon kay Gregorio, walang kapasidad o sapat na kakayahan ang mga senador at kongresista na sabihin kung kailan nagsisimula ang buhay ng tao.

Nakakatawa aniyang isipin na maging ang depinisyon kung kailan nagsisimula ang buhay batay sa natural law ay pilit na binabago ng mga mambabatas na nagsusulong ng RH bill.

Bunsod nito, ipinagdarasal na lamang ni Gregorio ang mga nagsusulong ng RH bill na mabago o ma-convert sila at manindigan sa pagpapahalaga ng buhay.

Naniniwala rin ang obispo na ang mga hindi nagpapahalaga sa buhay ay hindi pinagpapala ng Panginoon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply