Comelec, naglilinis ba ng partylist o kalaban lang?

baletodo

MAGANDA ang panimulang inisyatibo ni Commission on Elections chairman Sixto Brillantes Jr. na pag-aalis sa listahan ng Partylists na hindi talaga sang-ayon sa ating Saligang Batas.

Yung bang “marginalized sector” o sektor ng mga mahihirap at patuloy na naghihirap sa buhay.

Tukoy ng ating Saligang Batas ang mga puwersang iyon tulad ng mga magsasaka, manggagawa,, kababaihan, kabataan, mangingisda, may kapansanan at matatanda.

Malinaw ang Saligan.

NGUNIT sadyang matatalino nga yata talaga ang mga Filipino lalo na ang mga may pera sikat, ilang abogado at negosyante kasama na ang ilang opisyal sa mga ahensiya ng gobyerno.

Hayun, kanya-kanyang tayuan ng grupong partylist sa madramang kulang sa pangangalaga raw ng gobyerno ang kanilang sektor na ipinaglalaban.

May nagtatag at nanalo na kontra droga, kontramaling paratang na nakulong, may security guards at drivers, may kontra korapsyon, may pangangalaga sa kalusugan ng sanggol at magulang, etsetera.

Kung susuriin mukhang tama naman ang kanilang direksyon pero ang tanong natin, may nagawa ba silang totoo para paunlarin ang buhay ng sektor na inaangkin nila?

SABAGAY, sa isang mapilosopong paglalarawan, kapag sinabi mong manggagawa halimbawa, aangkinin nila na mayroon silang mga kasamang-uri, may miyembro din sila na magsasaka, mangingisda, kabataan, kababaihan at iba pang tukoy na sektor ng partylist.

Papaano ngayon natin lulunasan ang problema?

SA Comelec, sila ang nagpapasya. Yung inaakala nilang hindi angkop katulad ng AKO BICOL, KAKUSA, AGAP, at iba pa. Tinanggal sa akala nilang hindi karapat-dapat at tama naman sila dahil regional ang tunay na mukha ng ilan.

Kaya naman sinuportahan ng BALETODO ang kanilang desisyon ng paglilinis pero marami pa rin ang kuwestyon na naglalabasan sa paraan ng paglilinis.

KATULAD ng Alyansa ng Mamamahayag o ALAM, sabi ng Comelec hindi pasado dahil hindi naman daw maralita ang mga miyembro ng media.

Siguro ang nakita nila ay yung IILAN na sikat at kilalang media practitioners lang pero sa totoo, marami rin ang miyembro ng media na halos isang kahig isang tuka dahil kapag hindi lumabas ang kanilang istorya o litratong kuha, walang kita. May mga KORAP nga din.

EH papaano naman yung malalaking organisasyon na hawak ng mga makapangyarihang tao o samahan na kaliwa’t kanan ang multi-milyong kita bago pa man sila pumalaot sa pulitika gamit ang party list? Ilan diyan ang CIBAC, BINHI laluna ang AKBAYAN na kumita sa magkakaptid na Aquino noong eleksyon at marami sa kanilang mga opisyal ay may tungkulin sa pamahalaan ngayon?

HAYUN na po. Mukhang hilaw at mestizo ang ginagawang paglilinis ng Comelec o ni Sixto. Tila yaong mga kalaban lang at hindi kasundo ng gobyernong ito ang binubura samantalang yung mga party list na kaalyado nila ay nagtatawanan na lang ng buong sigla. Aba Maestro Sixto at mga alipores mo, totohanin ninyo ang paglilinis ng party list at huwag lang yung kalaban ninyo. Isa pa, linisn din ninyo mismo ang Comelec sa tindi ng mga sindikatong nariyan!  Takot ba kayo sa inyong AMO?

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply