Construction worker tigok sa live wire

TODAS ang isang construction worker makaraang makuryente at mahulog sa ginagawang gusali sa Intramuros, Maynila.

Namatay habang inoobserbahan sa Seamen Hospital ang biktimang si Sergio Sampaya, may-asawa at taga-BG Gumaoc Central San Jose Del Monte City sanhi ng kanyang pagkakakuryente.

Batay sa ulat na isinumite ni Det. Ramir Dimagiba, kay P/Sr.Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng MPD-Crime Against Persons Investigation (Homicide) Section, pasado alas-2:00 ng hapon nang maganap ang naturang insidente sa ikaatlong palapag ng gusali sa ginagawang AMOSOP Sailor Home project sa 550 Cabildo St., sa Intramuros.

Sa report, nakatuntong ang biktima sa isang scaffolding sa nasabing lugar habang sinusukat nito gamit ang isang metro ang pader na kanilang ginagawa.

Dumikit ang panukat nito sa nakabukas na linya ng kuryente na nagresulta sa pagkakakuryente nito.

Nagulat na lamang ang mga kasamahan ng biktima nang biglang magkikikisay ito at tuluyang bumulusok sa ibaba.

Naisugod pa ang bitkima sa nasabing pagamutan, subalit binawian din ng buhay.

Nabatid sa report ng pulisya, nakitaan ng paglabag ang sub-contractor na pag-aari ng isang Bobby Ganzan gayundin ang mismong contractor nito na FAJ Construction and Development Corporation kabilang ang hindi pagsusuot ng helmet at safety belt; kawalan ng safety net para maiwasan ang pagkakahulog ng kanilang trabahador; kawalan ng close supervision sa kanilang mga obrero habang nagtatraabaho, at bukas na linya ng kuryente.

Napag-alaman pa sa ulat, na wala umanong permit at lisensiya ang sub-contructor ng nasabing kompanya.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply