DFA: Ilang batch ng isang brand ng calcium supplement kontaminado

PINAYUHAN ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko na mag-ingat sa pagbili ng ilang batch ng isang kilalang calcium supplement na boluntaryo nang binawi ng manufacturer nito sa merkado matapos matuklasang positibo sa Streptococcus aureus at salmonella spp.

Batay sa FDA Advisory 2012-013, sinabi na boluntaryo nang binawi ng Pascual Laboratories ang batches 382BWA at 382BWB ng CalChews Chocolate Flavor na may expiry date na Agosto 2014 upang maiwasang mabili pa at magamit ng publiko.

Ayon kay FDA Acting head Kenneth Hartigan-Go, tiniyak na sa kanila ng Pascual Laboratories na iniimbestigahan nito ang pinagmulan ng kontaminasyon at pansamantalang itinigil na ang distribusyon ng produkto.

Inatasan na rin naman ni Hartigan-Go ang mga field officers nito na i-monitor ang mga establisimyento na nagtitinda ng produkto at makipag-ugnayan sa kanila upang maiwasan na ang distribusyon nito.

Nabatid na ang Streptococcus aureus at salmonella infection ay bacterial infection na maaaring maging sanhi ng malalang karamdaman.

Ilan sa sintomas nito ay acute gastroenteritis na may kasamang pananakit ng ulo, pagtatae, pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagkakaroon ng lagnat na mula 38 hanggang 39 degrees Celsius, at minsan ay pagsusuka.

Pinayuhan rin naman ni Hartigan-Go na nakabili na ng produkto na huwag na itong gamitin pa at sa halip ay isauli na lamang sa Pascual Laboratories.

Ang mga tao naman na naghihinalang nagkasakit sila dahil sa pagkain ng produkto ay pinapayuhang kumonsulta kaagad sa doktor.

Samantala, sinabi naman ni Charmaine Lara, corporate communications manager ng Pascual Laboratories, na sila mismo ang nagsagawa ng recall matapos na makakita ng mikrobyo sa produkto ang kanilang quality assurance.

Tiniyak rin ni Lara na ipinagpapatuloy nila ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang pinagmulan nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply