Diabetic clinic ng PDMMMC pinarangalan

PINURI ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang pamunuan ng President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMMC) matapos itong mapili bilang “Best Diabetic Clinic of 2012”.

Ang award na natanggap ng PDMMMC ay ibinigay ng Consortium of Government Diabetic Clinic, Inc. sa idinaos na aktibidad ng mga ito na ginanap sa Antipolo City noong November 11 ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Dra. Lucita Aguilar, medical director ng PDMMMC, ang pagkakapili sa kanilang diabetic clinic ay dahil na rin sa walang tigil na pagbibigay ng mga ito ng “free laboratories at free check-up” para sa mga taong may sakit na diabetic.

Bukod dito, may mga espesyal na programa rin ang lokal na pamahalaan sa mga taong may sakit na diabetic sa tuwing ipinagdiriwang ang kaarawan ni Mayor Echiverri at ang anibersaryo ng lungsod at ng PDMMMC.

Nagbibigay din ng libreng cholesterol test ang nabanggit na pagamutan bukod pa sa iba’t ibang atensiyong medikal na ibinibigay ng PDMMMC sa mga residenteng higit na nangangailangan ng kanilang tulong.

Napag-alaman pa na simula ng manungkulang alkalde si Echiverri sa Caloocan City noong 2004 ay isa ang kalusugan sa binigyan nito ng prayoridad dahil naniniwala ito na mas higit pang uunlad ang kabuhayan ng mga residente kung lahat ng naninirahan dito ay may malusog na pangangatawan.

Nagbigay din ng pagbati sa pamunuan ng PDMMMC si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri sa pagkakasungkit nito ng parangal na Best Diabetic Clinic of 2012.

Kasabay nito, tiniyak pa ng mag-amang Echiverri na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng suporta sa PDMMMC upang matiyak na makapagsisilbi ng maayos ang mga doktor sa mga residenteng nangangailangan ng kanilang serbisyong medikal.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply