DOTC kinalampag ng PISTON; kontrata ng Stradcom Corp pinalagan

NAGPAHAYAG ng pangamba ang militanteng transport group PISTON na baka mauwi sa mano-mano at magulong sitema ng pag-aplay at pag-renew ng drivers license gayundin ang pag-renew ng rehistro ng mga pampubliko at pampribadong sasakyan.

Anila, ito ay kapag patuloy na mabitin at mabalam ang bidding para sa bagong Information Technology (IT) provider ng Land Transportation Office (LTO) na siyang maglalagay ng bagong IT infrastructure at database system para sa Land Transportation Office (LTO).

Ito ang naging reaksyon ni George San Mateo, National President ng militanteng transport group PISTON matapos nilang mabasa sa mga pahayagan kahapon ang pahayag ng Anakpawis Partylist na tila sinasadyang ng ilang matataas na opisyales ng DOTC na ibitin ang bidding para sa bagong IT provider ng LTO upang mabigyan ng ekstenson ang kasalukuyang IT provider na Stradcom Corporation. Nakatakdang mag-expire ang kontrata ng Stradcom Corporation sa Pebrero 10, 2013.

Sa ilalim ng kasalukuyang kontrata ng Stradcom sa LTO, ay kukunin lahat ng Stradcom ang lahat ng kanilang equipments at kagamitan sa pag-expire ng kanilang kontrata at walang matitira o maiiwan sa LTO.

Kaugnay nito, binigyang-diin na agad ni San Mateo na tutol ang PISTON at maraming mga tsuper at maliliit na operators sa anumang ekstensyon ang Stradcom Corp dahil sa maraming kapalpakan at maanomalyang pagpapatakbo nito ng computerization ng LTO.

Ayon kay San Mateo, sa napakatagal na panahong inilagi ng Stradcom Corp bilang IT provider ng LTO ay maraming beses na pumalpak at nagsamantala ito gaya noong panahong madalas nade-delay ang pagrerehistro ng mga sasakyan dahil sa palagiang bagsak ang server ng Stradcom subalit naningil pa din ang Stradcom ng “Computer Fee”.

Binigyang-diin pa ni San Mateo na ang Stradcom din ang nagpanukala at nagtulak sa iligal at maanomalyang Radio Frequency Identification Device (RFID) ng LTO noong 2009 na maglalagay ng RFID Tag sa lahat ng pribado at pampublikong sasakyan at maniningil ang LTO ng P350 sa bawat RFID tag bawat sasayan . Sinabi ni San Mateo na mabuti na lamang at nagtagumpay ang PISTON sa pagpapatigil sa naturang proyekto dahil sa isinampa ng PISTON na petisyon sa Korte Suprema noong Disyembre 16, 2009 upang ipatigil at ipabasura ang RFID project. Noong Enero 13, 2010 ay inatigan ng Korte Suprema ang petisyon ng PISTON sa pamamagitan ng inilabas ng SC na Status Quo Ante Order na nagpatupad ng indefinte na pagpapatigil sa RFID project ng LTO.

Dahil dito ay nanawagan ang PISTON kay Pangulong Aquino at kay DOTC Secretary Jun Abaya na magsagawa ng masusuing imbestigasyondahil tila may mga matataas na opsyal ng DOTC na nagsasabwatan upang patuloy na ibitin ang bidding para sa panibagong IT provider ng LTO para paboran ang ekstensyon ng Srtadcom.

Iginiit pa ni San Mateo na mariing tinututulan ng PISTON ang hakbang ng DOTC partikular ni DOTC Undersecretary Rene Limcaoco na ibukas sa mga korporasyong dayuhan ang paglahok sa biding para sa bagong IT provider ng LTO.

“Tahasang paglabag sa soberanya ng ating bansa na ibigay sa mga dayuhang korporasyon ang pagpapapatakbo ng IT at database ng LTO,” giit pa ni San Mateo.

Nanawagan din si San Mateo sa House of Representatives at Senado na magsagawa din ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing usapin.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply