Earthquake drill isinagawa sa Marikina

NAGSAGAWA ang lokal  na pamahalaan ng Marikina ng malawakang earthquake drill kanina, ika-28 ng Nobyembre, sa ganap na ika-2 ng hapon sa  Central Field Hospital (malapit sa Marikina Healthy City Center), sa kahabaan ng  Cirma Street sa Barangay Sto. Nino, lungsod ng Marikina.

Ang nasabing earthquake drill ay pinangunahan ng Marikina Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) kasama ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Philippine National Police- Marikina at mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Marikina.

Nilahukan ang earthquake drill ng mga kinatawan ng 31 pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa lungsod, Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, at ang anim na government establishment ng Marikina  na kinabibilangan ng Marikina City Hall, City Health Office, Marikina Sports Park, Marikina Library, City Engineering Office, at City Environmental Management Office.

“Nais nating bigyan ng kaalaman at paghahanda ang mga tao sa mga nasabing tanggapan upang sa pagdating ng hindi inaasahang sakuna o sitwasyon tulad ng lindol ay alam nila ang kanilang gagawin,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Matapos ang earthquake drill ay inilunsad ng lokal na pamahalaan ang isang Central Field Hospital  na magsisilbing open evacuation area at ospital ng lungsod kung sakaling magkaroon man ng lindol.

Samantala, regular na nagsasagawa ng earthquake drill ang MDRRMC sa mga pampubliko at pribadong paaralan, tanggapan ng lokal na pamahalaan at establisyemento upang maipabatid at maging mas pamilyar ang mga tao sa dapat nilang maging aksyon kung sakaling mangyari ang mga kahalintulad na sitwasyon.

Sa unang quarter ng susunod na taon, ang MDRRMC ay magsasagawa ng ilang serye ng earthquake drills sa 96 na pribadong  paaralan sa lungsod.

Pinapayuhan din ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang bawat pamilya na maghanda ng plano para sa kanilang kaligtasan at maging pag-iimbak ng ilang kagamitan tulad ng pagkain, tubig,  gamit sa komunikasyon tulad ng cellphone na may sobrang baterya, transistor radio na may sobrang baterya, pito o whistle, at gamot.

“Naniniwala tayo na ang pagkakaroon ng plano at ibayong paghahanda sa mga posibilidad ay malaking tulong upang maraming buhay ang mailigtas sa oras ng paglindol. Iba na ang laging handa,” dagdag pa  ni De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply