Enrile, Sotto pinuri ng simbahan

JPE-2

NAGPAHAYAG ng paghanga at pinuri ng mga lider ng Simbahang Katoliko ang paninindigan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Majority Leader Senador Vicente Sotto III laban sa Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kina Malolos Bishop Jose Oliveros at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on Family and Life Executive Secretary Fr. Melvin Castro, kahanga-hanga ang katatagan at paninindigan ng dalawang senador laban sa RH bill.

Sinabi ni Castro na hindi matatawaran ang prinsipyo nina Enrile at Sotto dahil sa kabila ng mga puna at pambabatikos sa kanila ng mga nagsusulong ng RH bill ay nanindigan pa rin ang dalawa na hindi nila susuportahan ang panukalang batas na sisira sa moralidad ng mga Filipino.

Aniya, ang pagsasampa ng complaint laban kay Sotto sa Senate Ethics Committee ay pagpapakita lamang ng mga nagsusulong ng RH bill na desperado na silang gawin ang lahat ng paraan kahit pa ikasira ng kanilang kapwa tao para lamang maipasa ang panukalang batas.

“Isang tunay na paghanga sa katatagan sa prinsipyo sa pangangalaga sa buhay at pamilya ang pinakikita kapwa nina Senador Sotto at Senate President Enrile. Sa gitna ng mga pagbatikos at pangungutya sa kanilang pagkatao ay lalo lamang pinakikita ng mga nagsusulong ng RH bill na desperado na sila, na handa nilang gawin ang lahat, makasira man sa kanilang kapwa tao basta maipasa lang ang RH bill. Paano kaya kapag naging batas na ito?” ayon kay Castro, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Naniniwala naman si Oliveros na trial by publicity ang ginagawa ng mga Pro-RH bill supporter kay Sotto para sirain ang kanyang kredibilidad.

Sinabi ng obispo na tila nauubusan na ng katuwiran ang mga pabor sa RH bill kaya’t ginagawa nila ang lahat ng paraan para hindi paniwalaan ng publiko ang mga tumututol sa panukalang batas.

Kaugnay nito, pinuri ng obispo ang senador dahil sa pagiging matibay nito sa kanyang paninindigan sa kabila ng mga pambabatikos sa kanya ay patuloy pa ring tututulan ang RH bill.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply