Feel mo ba?

inton

MEDYO exciting daw ang ekonomiya ng bansa ngayon. Ayon sa mga kalalabas lang na balita, pinakamataas daw ang antas ng paglaki ng ating ekonomiya kumpara sa mga bansa sa Asia sa 3rd Quarter ngayong taon.

Ang GDP growth daw natin ay 7.1 percent, malaki ito! Mas malaki sa inaasahan ng pamahalaan. Ang GDP o Gross Domestic Product ay ang kabuuang dami o halaga ng mga produkto at mga serbisyo na na-produce at umikot sa loob ng Pilipinas sa isang sukat ng panahon.

Dapat kasi kung maraming produkto ang nagawa at nabili o napakinabangan, kung maraming serbisyo ang naibigay at natanggap, ng mga Filipino ay dapat angat nga ang ekonomiya.

Pero ang tanong agad – feel mo ba? Kung maraming kalakal at maraming serbisyo ang naipagkaloob sa bayan, bakit isa pa rin tayo sa pinakamataas ang antas ng “joblessness” o kawalan ng trabaho na isa sa dahilan ng gutom at kahirapan? Ito ang mga tanong ng ordinaryong Filipino.

Kumbaga, maganda ang ekonomiya ng Pilipinas sabi ng mga ekonomista, pero hindi sapat para bumaba ang biyaya sa mga mahihirap na nasa lupa. O sadya bang may bumabara sa pagbaba ng sinasabing biyaya?

Kasabay ng balitang gumaganda ang ekonomiya ng bansa, syempre ay ang paglakas ng piso laban sa dolyar.  Isa pa ito. Syempre kung malakas ang piso dapat magandang balita ito, kasi mas nagkakaroon ng silbi ang pera natin sa pandaigdigang merkado.

Pero maraming Filipino ang Overseas Filipino Workers at para sa kanila, bad news ang paglakas ng piso laban sa dolyar dahil mababa ang palitan ng dolyar na pinadadala nila sa Pilipinas.

Kaya hindi natin maiaalis sa ating mga kababayan sa ibang bansa na magdasal na huwag nang lumakas ang piso. Para tuloy ipinagdarasal na huwag nang gumanda ang ekonomiya sa Pinas.

Pero naiintindihan natin ito at nalulungkot tayo sa sitwasyon. Ito ang dapat ayusin ng ating gobyerno. ‘Yung pag umangat ang ekonomiya ay maramdaman naman ng mga tao sa “ibaba.”

‘Yung pag sinabi mong may pag-asa tayong umasenso sa sariling bayan ay maniwala ang mga tao at ang iba na ayaw umalis ay may pwede namang pagpipiliang trabaho rito.

Sayang ang balita na maganda ang ekonomiya kung iismiran lang ng Pinoy at sabihin na hindi naman nila nararamdaman.

Sino ba ang niloloko ng mga balitang ito, sino ba ang niloloko ng gobyerno? Email me at ariel.inton@gmail.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply