Fourth estate at politikong kumakanta at sumasayaw

KUNG hindi ako naging abogado, siguro’y journalist ako ngayon.

Malaki ang papel ng press at media sa pagkakaroon ng tunay na demokrasya at matapat na gobyerno.

Hindi pumapayag ang press at media (o ang tinatawag na Fourth Estate) na mabalewala ang karapatan ng mamamayan na makapagpahayag ng kanilang saloobin.

Kasali rin ang press at media sa pagtiyak sa pananagutan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.

Lumalabas na ang journalist ay lingkod-bayan dahil una sa kanyang tungkulin ang truth-telling o paglalantad ng katotohanan at palagi niyang isinasaalang-alang ang interes ng publiko.

***

SIMULA ngayong araw, mababasa na ninyo rito sa Remate ang aking column na Trending Ngayon tuwing Lunes at Huwebes.

Nang makarating sa akin ang imbitasyong magsulat para sa diyaryong ito, hindi na ako nagdalawang-isip pa.

Gusto kong pasalamatan ang publisher na si Benny Antiporda at ang kanyang mga editor dahil sa ibinigay nilang oportunidad sa akin na makapagbahagi ng mga sariling opinyon at komentaryo.

***

SA US, hindi kailangang mahusay kumanta at sumayaw ang mga kandidato at politiko dahil mga programa at plataporma ang hinahanap sa kanila ng mga tao.

Muling nahalal ang Democrat na si Barack Obama bilang US President dahil, halimbawa, sa kanyang paninindigang hindi isasapribado ang Medicare na inaasahan ng halos 50 milyong Amerikano na may-edad at pati na iyong may mga kapansanan.

Parang hindi naman kinagat ng kanilang mamamayan ang inihain ng Republican na si Mitt Romney na kanyang isasaayos ang kanilang nababangkaroteng bansa.

Pinagdebatehan din nina Obama at Romney ang foreign policy, ang buwis, ang middle class, ang gay marriage, ang abortion, ang Wall Street, at iba pa.

Nakatulong nang malaki sa US voters ang pagdedebate at pangangampanya nina Obama at Romney sa bawat state na iniuulat naman ng press at media roon.

Kung mulat o informed ang mga botante dahil na rin sa malaya at responsable na press at media, hindi na siguro kailangan ang mga kandidato at politikong kumakanta at sumasayaw.

***

Para sa mga reaksiyon at komento, mag-e-mail sa sonny@sonnyangara.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply