Gabay sa pagboto, tiniyak ng CBCP

cbcp

PATULOY na magbibigay ng gabay sa pagboto ang Simbahang Katoliko para sa 2013 midterm elections.

Ito ang tiniyak ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), kasunod nang umiinit na isyu hinggil sa Catholic vote.

Ayon kay Pabillo, ang maayos na pagboto ay ang pagpili sa mga kandidatong maka-Diyos, makabuhay, makatao at makakalikasan.

Nilinaw din ng Obispo na hindi pa napag-uusapan ng CBCP ang “Catholic vote,” bagamat maraming mga Obispo na ang nagsusulong nito.

Tiniyak rin naman ng Obispo na palalawakin pa ng CBCP ang voters education sa pamamagitan ng pagbibigay ng profile ng mga tumatakbong pulitiko na pagbabatayan ng mga botante sa pagboto.

“Wala kaming pinag-uusapan na Catholic vote na sinasabing ito yung ating bobotohin. Ang ginagawa lang namin ay ibibigay sa mga botante ang profile ng mga kandidato at stand nila. Sinasabi namin sa mga botante na bumoto ng maayos,” ayon kay Pabillo, sa panayam sa radyo.

Sinabi rin naman ni Pabillo na hindi direktang magpapangalan ang Simbahan kung sino ang dapat iboto ngunit sasabihin naman nila ang profile ng mga kandidato at ang kanilang mga stand o posisyon, particular na sa Reproductive Health bill.

Paliwanag ni Pabillo, sa pamamagitan nito ay makikita ng mga botante ang mga katangian ng isang kandidato na kanilang pagbabasehan sa pagpili ng iboboto.

Pinayuhan naman ni Pabillo ang mga mamamayan na huwag gawing batayan ang mga survey sa pagpili ng mga iboboto at sa halip ay isaalang-alang kung ano ang tama at sino ang nararapat na maging lider ng bansa.

Matatandaang ilang Obispo na ang nagsabing isusulong nila ang Catholic vote laban sa mga mambabatas na pabor sa RH bill sa halalan sa susunod na taon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply