Gawad Kapitan Moy gagawin mamaya sa Marikina

kapitan-moy

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng Sapatos Festival 2012, kikilalanin ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang mga taong nagbahagi ng kanilang malaking kontribusyon sa  industriya ng sapatos.

Ang pagkilala ay isasagawa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng Gawad Kapitan Moy mamaya, ganap na ika-6 ng gabi sa Sentrong Pangkultura ng Marikina (Kapitan Moy Building).

Ang Gawad Kapitan Moy (kilala rin bilang Gabi ng Parangal para sa Industriya ng Sapatos) ay naglalayong kilalanin ang mga magsasapatos, indibidwal, at grupo na nakatulong sa pagpapaunlad ng industriya ng sapatos sa Marikina.

“Kinikilala natin ang mga taong  nagbigay kontribusyon upang makamit ng Marikina ang titulong “Shoe Capital” ng bansa. Ito ang munting paraan ng lokal na pamahalaan upang maipakita ang ating lubos na pasasalamat sa kanila,” wika ni Mayor Del De Guzman.

Sa nasabing aktibidad, ang mga bantog na tatak ng sapatos sa lungsod ay bibigyan ng parangal. Ang mga ito ay ang Carmelletes Shoes (Queen of Ladies’ Shoes Makers Award) at  Valentino Shoes (Shoemakers for Generations Award).

Dagdag pa rito, paparangalan din ang mga sumusunod na indibidwal na nakapag-ambag sa industrya ng sapatos: Conrado Pascual, Jr. (Young Shoe Entrepreneur Award), Florinio dela Paz (Pioneer of the Shoe Trade Mission Award), Lourdes Galarpe-Mariano and Cleotilde Tiamzon (Longevity Award for Shoemaker), Tereso Pasco, Sr. (Advocate of the Shoe Industry Award), Osmundo de Guzman (Foundation of the Shoe Industry Award), at Gregory Domingo (Modern Pillar of the Footwear Industry Award).

Santalala, gagawaran naman ng Shoe Apostles Award ang mga miyembro ng Marikina Colossal Footwear Team na kinabibilangan nina Noel Box, Emmanuel Samson, Arthur Rivera, Armando Javier, Daniel Cotter, Rommel Villareal, Norman Arada, Florinio de Asis, at Cesar Paz, na nasa likod ng  paggawa ng pinakamalaking sapatos sa mundo.

Pagkatapos ng Gawad Kapitan Moy, idaraos ang Konsyerto sa Plaza ni Kapitan Moy kasama ang bandang 6cyclemind. Ang nasabing konsiyerto ay libre at  bukas sa lahat ng residente ng Marikina at maging sa karating lugar.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply