Ginugutom na OFW

KAHIT naman mahirap ang buhay sa Pilipinas, sambit ni Grace, hindi naman niya naranasang kumain ng mga natira lang sa hapag-kainan. Lalo pa ang magkalkal ng basura upang may ipantawid-gutom.

Alas-4 ng madaling araw ang gising ni Grace sa Doha, Qatar. Mabigat kaagad ang trabaho nito.

Ngunit 10:00 am pa ang kanyang almusal, pagkatapos kumain ng kanyang employer.

Susundan naman ng 3:00 p.m. na tanghalian at 10:00 pm na ang hapunan. Hindi puwedeng kumain si Grace kahit gutom na gutom na siya.

Makakakain lang siya kapag tapos nang kumain ang kanyang mga amo kahit pa anong oras natapos ang mga iyon. At kakainin lang niya ang natira ng mga ito.

Tanong ko kay Grace, paano kung walang natirang pagkain? Titiisin na lang niya ang gutom at susubukang magbungkal ng basura kung may mga naitapon pa roon na puwedeng pakinabangan.

Kung walang luto, magpapabili na lang ‘anya ang mga amo nito at hindi rin siya kasali sa pagkaing ipabibili.

Ganyan katindi ang sinapit ni Grace sa kamay ng madadamot na employer. Laking pasasalamat niya nang makauwi siya sa Pilipinas.

OFW gustong ipadeport?

Pwede po bang ipadeport pauwi rito ang asawang nangalunya sa ibang bansa, OFW sa Saudi? — Adel Dela Cruz, 45, Manila …1427Reply: Ayon kay Judge Conrado Zumarraga ng Bantay OCW-Legal, hindi maaaring ipa-deport ang OFW dahil wala tayong jurisdiction sa Saudi Arabia, bagaman may Philippine Embassy tayo roon.

Maaaring tawagin ang kanyang atensyon hinggil sa problema, ngunit wala silang police power upang ipatupad iyon. Kailangan rin ng matibay na ebidensya laban sa iyong asawa bilang patunay na nagkasala siya ng bigamy o pangangalunya. At dito sa Pilipinas isasampa ang kasong ito.

Walang komunikasyon sa Malaysia

I am Josephine Bation from Zamboanga City. Need ko po sana help nyo. Magtatatlong taon na po yung brod ko sa Malaysia.  ‘Di po namin alam ano na ang nangyari sa kanya, wala po kasi kaming contact sa kanya, hindi rin siya sumusulat. Nakita ko kasi ang number nyo. Charlie po ang name niya.  Takot po kasi ako sa kung anong nangyari sa kanya, kasi matagal na talaga kaming walang communication sa kanya. Sana po matulungan ninyo ako.  God bless po ang thanks much. —-4187Reply: Hiningi namin kay Josephine ang ilan pang impormasyon kay Charlie at ipinagbigay-alam kay Ambassador Jose Eduardo Malaya III ng Philippine Embassy sa Malaysia.

May babae at nagkaanak pa!

Paano po kung ang problema e yung OCW po na may mga babae at nagkaanak po sila.  May itutulong po ba kayo? – .. 5131 Reply: Maraming babae po ba ang tinutukoy ninyo? Maaari po kayong matulungan nina Atty. Dante Mercado at Judge Conrado Zumarraga ng Bantay OCW Legal Team. Makikipag-ugnayan po ang aming case officer sa inyo.

Trabaho ng barbero

Meron po ba kayong alam na agency na ang hanap ay barber?  Ang pangalan ko po ay Alejandro Arang, Midsayap, Cotabato, ..1179  Reply: Maaari po ninyong ma-check sa website ng POEA: www.poea.gov.ph. kung ano pong mga ahensiya ang naghahanap ng trabaho ng isang barber at kung saang bansa. Maaari rin po namin kayong ilapit sa Phil. Transmarine Carriers para sa mga passenger vessel ng PTC.

Mahal na placement fee?

Mam susan, umaabot po ba talaga sa P100,000 ang placement fee kapag mag-apply sa Hong Kong. Dito po kasi sa province naming, P90,000 ang placement P10,000 ang training di pa kasama diyang ang processing ng ibang papeles. Ganyan din po ba sa lahat ng ahensiya sa Manila?  Salamat po. –
…2468 Reply:  Paulit-ulit na sinasabi ni POEA Administrator Leo Cacdac na katumbas lamang ng isang buwang sasahurin ang dapat na babayarang placement fee sa recruitment agency.

Kapag household service worker, no placement fee policy pa nga ang ipinatutupad sa inyo. Ipagbigay alam po agad sa POEA ang reklamong ito.

oOo

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napakikinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 12:30-2:00p.m., audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapanonood naman ang Bantay OCW sa PTV 4 tuwing Biyernes 8:00-9:00pm, at GMA News TV International. BANTAY OCW Foundation Operations Center: 631 Shaw Blvd., Mandaluyong City Hotlines: 5357209/ 8819423/ 09276499870

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply