Grabe

square-nelson-flores

MALINAW na ngayon na hindi pabor sa transparency si Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa kabila ng mga boladas niya noong panahon ng pampanguluhang eleksyon 2010 na isusulong niya ang pagsasabatas ng Freedom of Information Bill kung maluluklok sa poder.

Malinaw na ngayon na ayaw talaga ng administrasyong ito na malaman ng sambayanan ang mga transaksyon na pinapasok ng mga opisyal ng pamahalaan. Ito kaya ang dahilan kaya dalawang maka-Aquinong miyembro ng kamara ang sinasabing sumabotahe sa hearing ng FOI nitong nagdaang Martes?

Ayon sa mga impormasyon na aking natanggap ay pinigilan ng walang makatwirang dahilan ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone ang botohan para maipasa ang FOI.

Si Evardone, isang dating tagapag-sulat ng balita, ay malapit na kabig ni Gloria Macapagal-Arroyo noong panahon ng kanyang rehimen subalit ngayon ay isang nang “matapat na sundalo” sa Kamara ng administrasyon ni Pangulong B.S. Aquino.

Sa kabila ng pagkakaroon ng quorum at tiyak na pagpasa ng FOI Bill ay sinadya raw na hindi itinulak ni Evardone na magkaroon ng botohan sa kabila ng pakiusap ng mga taga-tangkilik ng panukalang batas na ito.

Nakahihiya ang pangyayaring ito at senyales na sa kabila ng sinasabing panunumbalik ng demokrasyang burges ay may mga ilan sa pamahalaan na hindi naniniwala sa kabutihan ng isang malayang lipunan.

Isa pa sa mga diumano ay sumabotahe kaya hindi maipasa-pasa ang FOI ay si Nueva Ecija Rep. Rodolfo Antonino. Ipinagpilitan daw niyang idagdag ang karapatang sumagot (right of reply) sa FOI kahit ito ay walang kaugnayan sa kon-trobersyal na panukala.

Ang FOI ay lalong magbibigay ngipin sa demokrasyang burges sapagkat sa pamamagitan nito ay mapapasailalim nang masusing pagbusisi ng taumbayan ang mga dokumento at impormasyon na may kaugnayan sa pamamalakad ng lipunan. Tinataya na dahil sa FOI ay mababawasan ang katiwalian sa pamahalaan na siya namang ibig diumanong mangyari ni Pangulong B.S. Aquino.

Pero simula’t sapul ay nakakapagtatakang malamig ang Pangulo sa pagtutulak ng FOI. Ayon sa ilan nating kakilala na malapit sa kanya, andap siya na itulak ang FOI dahil ngayon pa lamang ay “sobra na raw ang lakas ng media sa ating bansa.”

Nangangamba diumano ang Pangulo na mas lalong lalakas ang media kung magkakaroon ng FOI.

Nakalulungkot sapagkat ang panguluhan ni Pangulong B.S. Aquino ay masasabing bunga ng malayang pamamahayag. Matatandaan na sa kabila ng panunupil ng diktadura ni Ferdinand Marcos noong dekada 70 at 80 nang nagdaang siglo ay kumilos ang mga tunay na mamamahayg upang malaman ng bayan at buong mundo ang mga kaganapan dito sa atin.

Dahil sa mga malayang ulat na sumambulat sa mundo at sa ating bayan ay nagising ang diwa ng masang Filipino na siya naman nag-iwi sa EDSA People’s Power Revolution nuong 1986.

***

Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok
Makiling.

Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.

* * *

Para sa mga gustong mag-iwan ng puna bisitahin ninyo ang www.facebook.com/tagapaglingkod

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply