Granada sumabog, sekyu kritikal, 5 sugatan

emergency

KRITIKAL ang kondisyon ng isang security guard habang lima pa ang nasugatan nang sumabog ang initsang granada sa tapat ng isang finance company sa Cagayan de Oro City kaninang umaga.

Isinugod sa Capitol University Medical Center sanhi ng tinamong shrapnels sa iba’t ibang parte ng katawan ang hindi nakuhang pangalan ng security guard ng Golden Sun Finance Corporation at lima pang biktima kabilang ang dalawang kababaihan.

Blangko naman ang pulisya kung sino ang nag-itsa ng granada pero may hinala na ang may pakana ng paghagis ng granada ay bilang ganti ng mga parukyano ng nasabing finance company sa umuugong na pyramid scams.

Sa nakarating na ulat sa Camp Crame, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng umaga sa Lapasan highway sa tapat ng nasabing finance company na ilang metro lamang ang layo sa Camp Vicente Alagar sa Cagayan de Oro City.

Sinabi ni Philippine National Police Region 10 spokesman Superintendent Francis Cariaga, na bago ang insidente ay may lumagabog sa accordion door ng naturang lending company.

Sa pag-aakalang may kumakatok, binuksan ng naturang guwardiya ang pintuan ng lending company nang biglang may sumabog sa kanyang harapan.

Nadale rin ng sharpnels ang 5 pa kabilang ang dalawang kababaihan at isang lalaking nakasakay sa motorsiklo na pawang hindi nakuha ang mga pangalan.

Noon lamang nakaraang Oktubre 11, tatlo katao ang namatay nang may sumabog din sa isang hotel sa Cagayan de Oro City.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply