Grupong Kadamay, nagprotesta sa labas ng PCMC

NAGLUNSAD ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ng kilos protesta sa labas ng Philippine Children Medical Center (PCMC), sa lungsod ng Quezon.

Nilahukan ang protesta ng mga maralita mula sa North at East Triangle sa Quezon City.

Kinondena ng grupo ang mataas na singil sa serbisyo ng nasabing ospital na anila’y halos kapantay na ng singil sa mga pribadong ospital.

Hinalimbawa ng Kadamay ang singil ng PCMC sa Chest X-Ray na nagkakahalaga ng P560. Halos doble umano ito sa halaga ng nasabing serbisyo sa mga pampublikong ospital gaya ng San Lazaro Hospital na P300, sa PGH na P340 at sa Jose Reyes Memorial Medical Center na P290 lamang. Mas malaki pa nga umano ang singil ng PCMC para sa nasabing serbisyo kumpara sa pribadong Saint Luke Hospital na naniningil ng P537.

Di pa umano sapat na 80,000 na mga paslit ang namamatay sa bansa kada taon sa mga simple at nagagamot namang mga sakit, kakaltasan pa umano ng administrasyong Aquino para sa susunod na taon ang government subsidy na alokasyon para sa mga mahihirap na mga pasyente sa PCMC ng 100 milyong piso (mula P445 milyon ngayong taon ay magiging P345 milyon na lamang).

Unti-unting pagpatay sa mga maralita

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, national vice chair ng Kadamay, unti-unting tinatanggalan ng karapatang mabuhay ang mga maralitang pasyente sa pagpapatupad ng gubyernong Aquino sa pamosong programang Universal Health Care. Kinukubli umano nito ang masamang epekto ng Public-Private Partnership sa sektor ng kalusugan.

“Habang laganap ang kawalan ng trabaho at mapagkakakitaan sa bansa para sa milyun-milyong maralita, nararapat lamang na tapatan ng protesta ng mamamayan ang PPP ni Aquino laluna ang mga maralitang nakaasa sa mga murang serbisyo ng mga pampublikong ospital,” ani Bagasbas.

“Kasabay ng pagtaas ng singil para sa serbisyo ng mga ospital, nakaambang ipasa pa ng gubyernong Aquino sa kamay ng mga negosyante ang 26 na ospital sa bansa sa pagsasabatas ng HB 6069 at SB 3031,” dagdag pa ng lider.

Giit pa ng grupo, sa halip na ipaubaya sa mga negosyate para umano’y makatipid ang gubyerno, dapat igiit ng mga ospital ang dagdag na pondo mula sa gubyerno. Dapat na naglalaan ang gubyerno ng 5% ng GDP ng bansa para sa serbisyong pangkalusugan na nagkakalahalagang P527 bilyon. Ayon ito mismo sa United Nation standard.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply