Gumagalaw na ang pera ng Glenn defense

ito-ang-totoo-colored3

MILYON-MILYONG salapi umano ang pinalabas ng Glenn Defense Marine Asia  para sa PR firm na kinontrata nito para sa “damage control” at labuin ang isyu ng umano’y pagtatapon ng hazardous waste, kasama na ang tone-toneladang dumi ng tao, sa Subic Bay ng naturang contractor.

Ayon sa impormasyong ating nakalap, bago pa mag-weekend, kasama sa stratehiya ng PR firm ang paninira sa atin kaya inaabangan na natin kung sinong “mamamahayag” ang bibira at kung paano.

Nitong linggo, lumabas ang kolum sa Philippine Star ng isang William M. Esposo na lihis sa isyu ang argumento at pinaparatangan tayo na nagpagamit umano sa interes ng kakumpetensiya sa negosyo ng Glenn Defense.

Ito Ang Totoo: sa ganang atin, environmental isyu po ito at wala tayong pakialam sa kung kanino mang negosyo, mapa-Glenn Defense o kakompetensiya nito, kaya nang umabot sa ating kaalaman, hindi natin pinalampas, kahit sino ang tamaan.

Minamaliit ni kolumnistang Esposo ang mga Subic-based mediamen na aniya’y “motley,” ibig sabihin mga “kenkoy” na aniya’y “pinuta ang kanilang panulat” para sa “vested interests.” “Media prostitutes,” sabi pa nga ng hinalipak na napakakapal ang mukhang mag-akusa at hindi tumingin muna sa salamin para makita niya ang nananabang pagmumukha niya.

Sa kanyang kolum nitong Linggo, walang isinulat si kolumnistang Esposo na nagpapakita ng pagpapahalaga sa kalikasan at kalusugan ng mga taga-Subic, Olongapo, Zambales at Bataan. Puro paninira sa mga nagsulat at nag-iimbestiga sa maselang isyu.

Nagsinungalling pa siya na inabsuwelto na ng SBMA at Coast Guard ang Glenn Defense gayung malinaw ang pahayag ng SBMA na wala pa silang hawak na ebidensiya sa umano’y pagtatapon ng hazardous waste ng Glenn Defense, ngunit patuloy pa ang imbestigasyon at pagbusisi, hindi lamang sa ngayon kundi pati sa nakaraang panahon.

Sinabi rin ng Coast Guard na “walang clearance” sa kanila ang pagtatapon ng hazardous waste ng “Glenn Defense,” sa loob man o labas ng Subic Bay.

Inunggoy ni kolumnistang Esposo ang sinabi ng tagapamuno ng Glenn Defense sa Pilipinas na si retired Navy VAdm. Mateo Mayuga na “treated” na ang duming hinakot ng Glenn Defense mula sa U.S. Navy ship USS Emory S. Land pero Ito Ang Totoo: mismong si U.S. Navy Capt. Glenn Pendrick ang nagsabi nitong Biyernes lang sa harap ng may 12 mamamahayag: “walang sariling treatment facility” ang USS Emory S. Land.

Pero naniniwala po tayo na katarantaduhan lang ito ng Glenn Defense at walang kasalanan ang U.S. Navy. Tulad ng paninindigan ng SBMA, hindi ito VFA issue kundi environmental at kung may mga sumasakay, mapakaliwa, kanan at mga negosyante, wala tayong kontrol diyan. Ang atin, huwag sirain ang kalikasan dahil nakasalalay ang kalusugan at kinabukasan ng mamamayan.

Si kolumnistang Esposo? Kayo na ang humusga kung siya ang nagputa kaya mali-mali ang pinagsasasabi niya. Ito Ang Totoo!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply