Gusto nga ba ni PNoy na happy si Comm. Biazon?

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

HINDI ko kayo binola nang isulat ko rito sa mga nakaraang isyu na ang worst smuggling ay nangyayari sa ilalim ng tambalang administrasyon nila Customs Commissioner Ruffy Biazon at ng kanyang Intelligence Chief na si Danny Lim. Kaya nga posibleng hindi rin nagsisinungaling ang ating palace sources nang sabihin niyang hindi na happy si Noynoy sa performance nila Biazon at Lim kaya malamang ay kasama sila sa itataboy ng Judas belt sa gabi ng Bagong Taon.

Pinatunayan ng IMF Direction of Trade Statistics ang isinulat natin na grabe ang nangyayaring smuggling sa mismong tungkil ng ilong ni Biazon kaya kahit anong pabango ang spray niya sa kanyang image, sumisingaw pa rin ang katotohanan.

Sino naman ang hindi makapapansin ng matinding paglakas ng operasyon ng mga smuggler ngayong si Biazon na ang chief gayung naikumpara ng mga researcher ang senaryo sa panahon ng ad-ministrasyon nina Gloria at Erap.

Umaabot lamang pala sa US$3.1 bilyon hanggang US$3.6 bilyon ang losses sa tariff and duties sa panahon nila Arroyo at Estrada pero ngayong si Pangulong Noynoy na ang nasa palasyo, umabot na sa US$19 bilyon ang nawawala sa pamahalaan dahil sa talamak na smuggling. Sa loob la-mang ng isang taon ang binabanggit ng IMF na US$19 bilyon na nawawala sa koleksiyon dahil sa talamak na smuggling.

Pero nakadadalawang taon na ang Aquino administration, ibig sabihin US$38 bilyon na ang nadugas ng mga smugglers sa koleksiyon ng Customs magmula nang italaga ang talunang si senador na si Biazon. At ibig sabihin  lamang nito, ‘di rin umubra ang military background ni General Lim para sugpuin ang mga smugglers. Or puwede rin namang sa tuwing dadaan sa kaliwa ang mga smugglers, nakatingin sa kanan sina Biazon at Lim.

Kung hihiintayin pa rin nila  Biazon at Lim  ang kanilang walking papers sa susunod na taon sa halip na mag-resign, aba’y kalayaan nila ‘yan. Nasa demokratikong bansa tayo, puwedeng mag-ilusyon na magaling silang pinuno ng Customs kahit hindi naman totoo.

Kunsabagay, nasa karakter naman ni Noynoy ang panatilihin ang mga sablay niyang opisyal para lamang hindi masira ang kanilang pagkakaibigan. Dahil gusto ni Noynoy, happy ka! Sabi nga ni Pareng Stevie Wonder, that’s what friends are for!

***

Ipinangako natin na ilalabas natin dito ang detalye ng pangongotong ng isa na namang mabuting opisyal ng administrasyon. Malakas ang loob ng binabanggit nating opisyal na nangikil  sa isang negosyante na may iligal na hanapbuhay.

Nakipagmiting si bossing sa negosyante sa Manila Hotel para pag-usapan ang tongpats.

Nagkasundo sila bossing  at si boy illegal na magbibigay ito sa P30 milyon para hindi siya gambalain sa kanyang ginagawang kalokohan. Noong mismong araw at oras din na iyon, inilipat sa kotse ng mga bata ni opisyal ang pera. Siyempre, wala si opisyal sa kotse para disimulado. Pero ang ending, nawala ang pera. Ang bersiyon ni opisyal,  hinarang daw ang kotse at inagaw ng mga armado ang pera.

Iyon na rin ang kuwento ni opisyal sa kanyang patron na pihadong kaparte niya sa kotong. Hindi maireport  ni opisyal ang insidente sa pulis o sa media dahil paano nga naman ipaliliwanag ang negosasyon para extortion? At sino naman ang gagong maniniwala sa bersiyon na ito ni opisyal?

Ang tingin natin dito, pinalabas talaga ni opisyal na ganoon ang senaryo para ang ending, malinis pa rin siya at walang sumayad na tongpats sa kanyang kamay. Lokohin mo ang lolo mo, hoy!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply