Halika’t mag-enjoy sa Sapatos Festival 2012 sa Marikina

INIIMBITAHAN ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang lahat na makiisa at makisaya sa inihandang isang buong linggong pagdiriwang para sa Sapatos Festival 2012 sa darating na ika-12 hanggang ika-18 ng Nobyembre.

May temang “Walk this way!, Gawang Marikina, Gawang Kinikilala,” layunin ng Sapatos Festival 2012 na mas pasiglahin pa ang  industriya ng sapatos ng lungsod at magbigay pagkilala sa mga sapatos na gawang Marikina na nagpakilala sa lungsod bilang Shoe Capital ng Pilipinas.

Sa pagsisimula ng nasabing pagdiriwang sa ika-12 ng Nobyembre sa pamamagitan ng prusisyon sa imahe ni St. Crispin (ang patron ng mga magsasapatos) sa ganap na ika-6 ng umaga na magsisimula sa Sto. Niño Elementary School at magtatapos sa Freedom Park kung saan ay mag-aalay ng isang banal na misa para sa kapistahan ng patron.

Sa ika-13 ng Nobyembre ay isasagawa ang pagpapasinaya sa Shoe-per Star Alley (a la “Walk of Fame”) sa ganap na ika-6 ng gabi sa Sentrong Pangkultura (Kapitan Moy Building). Ito ay ang pagpapatuloy ng naturang proyekto noong 2011 sa Shoe Museum.

Layunin nitong ipakilala ang mga personalidad na nakapagbigay ng ambag o kontribusyon sa pagpapaunlad ng industriya ng sapatos sa Marikina.

Sa ika-14 ng Nobyembre, magdaraos ng Tap Dance contest para sa mga Senior Citizens at Shadow Dance contest sa Teatro Marikina. Susundan ito kinabukasan ng Shoe-Gala mula Marikina City Hall hanggang SM Marikina na susundan naman ng Fa-Shoe-N-Show.

Muli namang magpapabilisan sa pagtakbo ang mga kalahok habang suot ang kanilang sapatos na may matataas na takong sa ika-16 ng Nobyembre sa Tour de Takong (a.k.a. Stiletto Race) na magsisimula sa Teatro Marikina hanggang Cityhood Park sa ganap na ika-6 ng umaga.

Sa araw ring iyon ay gaganapin ang pagkilala sa mga natatanging indibidwal na nagtataguyod sa industriya ng sapatos sa pamamagitan ng Gawad Kapitan Moy sa ika-6 ng gabi na susundan ng Konsyerto sa Plaza ni Kapitan Moy kasama ang 6cyclemind sa ika-7 ng gabi.

Bilang pangwakas na aktibidad sa festival week ng Sapatos Festival, idaraos ang Bike Fest sa Patio Del Zapateros sa ika-18 Nobyembre sa ika-6 ng umaga.

“Kasabay ng ating pagdiriwang ay ang ating pag-aabot ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng tumangkilik at sumuporta sa ating Sapatos Festival. Inaasahan natin ang pakikiisa ng lahat sa mga inihanda nating aktibidad. Sana ay isama rin natin ang ating pamilya at kaibigan sa pamimili ng sapatos sa Patio Del Zapateros at Sapatos Central kung saan makakabili ng mga produktong may 20 hanggang 30 porsiyentong mas mura kumpara sa mga ibinebenta sa ibang pamilihan,” wika ni Mayor Del De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply