Hinalang kasabwat ng dugo-dugo: Maid ipinakulong

MPD-HeadQ

SA KULUNGAN bumagsak ang isang maid na paghinalaan ng kanyang amo na kasabwat ng dugo-dugo gang sa Maynila.

Nakapiit sa detention cell ng Manila Police District-Theft and Robbery Section (MPD-TRS) ang kasambahay na si Estrella Castillo, 44, tubong Dasmariñas, Cavite at stay-in maid sa Echelon Tower sa Mabini St. Malate, Maynila.

Ayon kay PO2 Jupiter Tajonera, ng MPD-TRS, kakasuhan bilang accomplice si Castillo, dahil siya ang nakipagtransaksyon at nagbigay ng pera at alahas ng kanyang among si Carissa Gel.

Paliwanag ni Tajonera, kaduda-duda ang pakikipagtransaksyon ni Castillo sa mga dugo-dugo dahil hindi na ito menor pa upang  magkamali kaya naman isinama ito sa mga kakasuhan.

Sa pahayag ng maid, may tumawag sa kanya at sinabing nasa presinto ang kanyang amo at nakaaksidente at kinakailangan umanong magbigay ng pera.

Pinakausap pa umano sa kanya ang amo at inutusan siyang kunin ang pera sa vault at dalhin sa may Ospital ng Tondo.

Pinapalitan din umano ang kanyang sim card para maging maayos ang kanilang transaksyon at pagdating sa nasabing ospital ay tinawagan siya at sinabing sa harap ng simbahan siya sasalubungin ng isang lalaki.

Pagdating sa simbahan, kinuha umano ng lalaki ang alahas at pera na kanyang dala na ibinalot sa makapal na tela at sinabihan na maghintay siya sa lugar.

Gayunman, makalipas ang 30 minuto sinabihan siya na umuwi na at susunod na ang kanyang amo.

Nagulat naman si Gel nang dumating sa bahay dahil nagkalat ang kanilang gamit kaya naman nang dumating ang kasambahay ay agad niyang ipinadampot ito sa pulisya.

Tinatayang aabot ng may P1 milyon halaga ng cash at alahas ang natangay sa biktima.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply