Hindi kailangan si Pangilinan sa BuCor

DAHIL ilang buwan nang wala ang direktor ng New Bilibid Prisons (NBP) na si retired Gen. Gaudencio Pangilinan, maraming kababalaghan na naman ang nagaganap sa nasabing pambansang piitan na nasa Muntinlupa.

Sabagay, kung noon ngang nandoon si Pangilinan ay hindi mapigil ang mga katiwalian at korapsyon, ngayon pa kayang on-leave ito? Natural, tuloy-tuloy ang pagpasok ng epektos sa NBP tulad ng droga at sariwang laman o mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw.

Sino naman kaya ang magpapakana ng mga ganitong gawain? Siyempre, ang mga dating nakikinabang na sa mga gawaing pinagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi ng mga opisyal at tauhan ng BuCor.

Ayon sa ilang text message na galing sa mga preso mismo, mga empleyado ng piitan ang gumagawa ng katarantaduhan dito. Kayang-kaya raw nilang palusutan si Justice Secretary Leila De Lima na hindi naman “24-oras” na nakatingin sa kanila para “mag-patrol.”

Bakit naman kasi ipinagpipilitan ni Pang. Benigno Aquino III na huwag tanggalin si Pangilinan sa puwesto nito gayung hindi naman siya epektibo rito?  Marami siyang kapalpakang nagawa sa ahensiya na kanyang pinagkakitaan kaya laging mainit siya sa mata ng media.

Kung si dating Philippine Drug Enforcement Agency director Undersecretary Jose Gutierrez ay nagawa niyang puwersahang magbitiw, bakit hindi niya ito kayang gawin kay Pangilinan?

Hindi naman totoong napakalaki ng nagawa nito para manalo siya noong nakaraang halalan.

Kahit paimbestigahan, hindi lang naman paglaganap ng droga at prostitusyon ang lumala sa kulungan nang maupo siya sa puwesto kundi maging ang katiwalian tulad ng pagbili ng kung ano-anong kasangkapan, pagpabor sa catering services at maging ang paglilipat ng mga preso sa mga kolonya ay ginawang paraan upang pagkaperahan.

Nabibigyang pabor noong panahon ni Pangilinan ang mga kaibigan niya at kakilala.

Hindi ba’t noong pag-upo pa lang niya ay ipinamahala na niya sa kanyang dating kaklase na si Col. Rolando Maclang ang pakikipag-usap sa mga mayayamang Chinese na pawang nakapiit sa pambansang kulungan dahil sa kaso ng droga?

Ipinatapon nila ang mga preso sa malalayong kolonya at sa bandang huli ay nakipag-usap sila upang makipag-areglo sa kanila para mabalik sa Muntinlupa.

Kaya naman, hindi lang barya-baryang pera ang napunta sa kanilang bulsa kung hindi milyones talaga.

Pinatulan din nila ang konting pera ng mga presong may kakayahang magtungo sa opisina ni Maclang, itinalagang ni Pangilinan na kanyang kanang kamay, kapalit ng special treatment o kaluwagan sa kulungan.

Kaya nga nabuking na nakalalabas-pasok sa kulungan si Rolito Go upang magsugal sa kung saan-saang casino sa Metro Manila at maging sa labas nito.

Pati nga mga pamilya ng preso na dumadalaw ay kailangtang maglagay sa mga bantay at maging a mga mayores na tinokahan din ng “patong”ng mga opisyal ng pambansang  kulungan.

Kaya nga panahon na upang matigil ang mga ganitong maling gawain sa kulungan.

Kailangang magtalaga ng opisyal na may dibdib upang pigilin ang katiwalian at kayang gampanan ng tungkulin kahit pa may masagasaan sa gagawing mga pagbabago sa BuCor.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply