Hindi lang sugal ang forte ni Col. GL kundi droga rin

NOONG nakaraang Martes, inilathala ng Lily’s Files ang pagyayabang ng isang opisyal ng Philippine National Police na nakatalaga sa Quezon City Police District ang pagbili niya ng isang SUV para sa kanyang maybahay bilang peace offering dahil sa pagseselos umano nito. At posibleng ang perang pinanggalingan ng pambili ng mga sasakyang inireregalo sa asawa nitong si Col. GL ay galing sa illegal gambling kung saan ay matunog ang kanyang pangalan.

Kamakalawa rin ay isang text message ang natanggap ko na nagkukumpirma na pasok talaga sa illegal gambling ang opisyal na ito ng QCPD. Matinik lang daw ito kung kaya’t masuwerteng hindi natsa-tsambahan ng raiding team ang kanyang lugar na may jueteng.

Ang masakit ay kaklase niya sa Philippine National Police Academy ang minalas at nagsasakripisyo sa kanyang mga iligal na gawain.

Nagbulgar  din ng ilang baho ng nasabing opisyal na isang station commander ang nagpadala ng text message. At nakasaad sa kanyang mensahe na hindi lang pala sugal ang pinagkukuhanan nito ng perang kanyang ipinagyayabang kundi  droga raw talaga ang forte nito.

Napag-alaman pa rin na ang tanggapan ng Station Anti-Illegal Drugs ay hindi raw sa mismong station na hawak nito nakabase  kundi sa isang police community precinct o police block. Hindi kaya  niya inilayo ang opisina ng SAID sa mismong  police station upang  hindi maging mainit sa mata ng tao ang kanyang mga huli?

Teka lang, National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Leonardo Espina, hindi po ba’t pinalalakas ninyo ang mga pulis sa barangay?

Eh, bakit ang mga tauhan nitong si Col. GL ay ang police block ang ginagawang opisina ng SAID gayung sa block na ito nagre-report ang mga pulis na itinalaga sa barangay upang madaling makaresponde sa ano-mang krimen na magaganap sa kanilang nasasakupan?

Giit ng impormante na sa block itinatago ng mga pulis ng SAID nitong matinik na opisyal ang kanilang huli sa droga na nabatid na umaabot pa umano sa may La Loma, SM North Edsa, SM Fairview, Caloocan, Kamuning at Fairview ang kanyang mga tauhan sa panghuhuli ng droga.

Hindi naman daw tinutuluyan ng mga ito ang kanilang huli at sa halip ay ginagawa umanong hostage sa police block at hinihingian ng pera ang pamilya ng mga nahuli.

Ang  iba na nakapagbigay ng pera sa kanila ay pinakakawalan nila lalo’t sapat ito o swak sa halagang kanilang demand subalit kapag hindi sapat ay gumagawa sila ng scenario na nakaengkwentro ito ng pulis habang nanghoholdap.  Kaya naman tapos ang buhay ng kanilang huli. Sabagay, may kasabihang “dead man tells no tale.”

Maganda sigurong maimbestigahan din ng Commission on Human Rights  ang mga kalokohang ito upang mabigyan naman ng hus-tisya ang mga biktima at pamilya nito na lumasap ng dalamhati dahil sa mga kawalanghiyaan nitong si Col. GL  at kanyang mga tauhan sa SAID.

Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento,  mag-text lang po sa  09155683000  at  09087230036  o kaya ay mag email lang sa lpr_2012@yahoo.com.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply