Hindi pa lusot ang Glenn Defense at judge na…

ito-ang-totoo-colored3

HINDI pa absuwelto ang Glenn Defense Marine Asia sa kabila ng pahayag ng Subic Bay Metropolitan Authority board na walang ebidensiyang mapanghawakan para kastiguhin ang contractor na umano’y nagtatapon ng hazardous waste sa karagatan ng Subic Bay.

Ito ang Totoo: hindi dahil walang ebidensiya ay wala nang nangyari.

Kahit may dalawa o tatlong SBMA directors na mistulang abogado ng Glenn Defense sa pagtatanggol nito, naniniwala naman tayo na ang pahayag ng SBMA board ay nakabatay sa aktuwal na sitwasyon – na wala nga naman silang mapanghawakang konkretong ebidensiya.

Kaya nga lang, ang SBMA board ay bumatay lang sa isinumiteng reports ng Seaport at Ecology Depts. nito na kung tutuusin, mga departamentong maiipit kung may katiwaliang naganap sa operasyon ng Malaysian firm na Glenn Defense Marine Asia sa Subic.

Ito ang Totoo: Hindi dapat pagkatiwalaan ang report ng Seaport at Ecology Depts. ng SBMA . Dapat busisiin ang mga ito dahil malaking posibilidad na inayos na lamang ang reports para mailigtas ang kani-kanilang leeg. Kaya tama ang paninindigan ni Sen. Loren Legarda na ituloy ang Senate investigation dahil kapag nakalusot ang Glenn Defense sa umano’y walang pakundangang pagtatapon ng hazardous waste, kasama na ang libo-libong tonelada na dumi ng tao, magpapatuloy ito hindi lamang sa paglapastangan sa kalikasan kundi maging sa lahing Filipino.

***

HULAAN muna tayo: Sino itong MTCC Judge sa Olongapo City na daig pa ang adik sa bisyo?

Mantakin ninyo, sa halip na isuot ang “robe” kapag naghi-hearing, nakasabit lang ang “robe” nito sa krus na nakakabit sa taas na bahagi ng dingding sa likod ng kanyang upuan na para bang Ku Klux Klan.

Eto pa: Ang kanyang lumang kotseng tsedeng ay nilagyan ng flower vase sa nguso at may fresh flowers pa lagi kaya tuloy mistulang karo ng funeraria. Sa kanyang chamber ay panay karaoke nito kundi nagpapatugtog ng mga 33 rpm LP records sa lumang phonograph.

Masungit ang puwes, este, huwes na ito na may mga kaso sa Ombudsman na Graft bukod pa sa pananapak ng pulis na pumarada lang sa likod ng kanyang sasakyan sa parkingan. May sexual harassment case rin sa Makati City ang hinalipak na ito.

Malaking katangahan din ang ipinamalas ng huwes na ito sa isang civil case na collection ng maliit lang na halaga ng pera.

Hindi lang naka-attend sa kauna-unahang hearing ang respondent, dinesisyunan agad pabor sa mestisang nagreklamo. Kung tutuusin, dapat idinaan muna sa Mediation ang usapin pero itong judge na ito ay loko kaya tuloy agad sa kaso.

Ang mga ganitong judge o huwes ang ayaw ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at malamang kapag umabot sa kaalaman niya ito, mababawasan ang mga ganito.. Ito ang Totoo!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply