Holdaper na nandakma ng dibdib, kalaboso

KALABOSO ang isang 30-anyos na holdaper nang arestuhin ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Pasay police makaraang humingi ng tulong ang isang dalaga na hinoldap ng nauna at nandakma pa ng kanyang dibdib kamakalawa ng umaga sa Pasay City.

Kinilala ang suspect na si Edwin Tilad, ng Flores De Mayo St., Libertad matapos ireklamo ito ng biktimang si Carla Mariz Veron, 22, receptionist at nakatira sa 1480 G. Crisostomo St., Sampaloc, Manila sa mga nagpapatrulyang tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 2 ng Pasay police.

Sa tinanggap na ulat ni Pasay police chief Sr. Supt. Rodolfo Llorca, nakatayo ang nag-aabang ng masasakyang bus ang biktima sa kanto ng Leveriza at Buendia St., dakong alas-6 ng umaga nang lapitan at tutukan ng patalim sa leeg ang suspect.

Hiningi ng suspect ang cellphone ng biktima subalit nang sabihin ng dalaga na wala siyang cellphone, hinalughog ng holdaper ang dala niyang bag at nakuha lamang ang P250 cash.

Dito na ipinasok ng suspect ang kanyang kamay sa bra ng dalaga at sinabing baka doon itinatago ang cellphone. Habang abala sa paglilipat-lipat ng dalawang kamay sa dibdib ng dalaga, hindi namalayan ng suspect ang paparating na mobile patrol na kinalululanan nina PO3 Fernando Abarilo, PO3 Rodolfo Gacat at PO2 Rommel Bolante at kaagad nadakip ang suspect.

Kasong robbery hold-up at acts of lasciviousness ang isinampa ng pulisya sa suspect sa Pasay city prosecutors office.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply