Ingatan si Bong Andal

benny antiporda

NANG mahuli sa matagal nang pagtatago, sinabi ng backhoe operator sa Ampatuan massacre na gusto niyang maging state witness. ‘Yun bang === maging testigo laban sa mga suspek sa pagmasaker sa 58 katao, kabilang na ang 33 mediamen.

Dapat na samantalahin o seryosohin ang posisyon ni Bong Andal, ang backhoe operator, na maging state witness.

MABILIS NA PAGTATASA

Dapat na mabilis na tasahin at lagumin ng piskalya ang lahat ng mga pahayag ni Andal ukol sa masaker at ang partisipasyon nito sa masaker.

Kung magiging qualified siya, dapat na isalang siya kaagad sa mga magsasaksi laban sa mga Ampatuan. Lahat ng kanyang mga salaysay ay dapat na mapanumpaan niya sa harapan ng hukuman kaagad.

Bakit? May malaki kasi tayong takot na baka kalawitin siya ng mga galamay ng mga may kinalaman sa masaker at ganap na patahimikin.

Maaaring tapalan siya ng salapi sa bibig upang hindi makapagtestigo o makapagbigay ng opisyal na pahayag na katanggap-tanggap bilang ebidensya sa hukuman o maaari rin siyang ipapatay.

Alam naman natin kung gaano kabangis ang mga gumawa ng masaker at lawak ng kontak nila sa mga sangay ng pamahalaan na kumikilos para mapatahimik ang lahat ng mga testigo. Dapat ding ingatan siya sa personal niyang buhay dahil baka maisipan nitong mag-suicide.

PAGTANGKILIK NG PAMAHALAAN

Para ganap na maramdaman ni Bong Andal ang kanyang halaga bilang testigo at bilang tao, dapat na siguruhin nang husto ng pamahalaan ang kan-yang kaligtasan mula sa kamatayan at iba pang mga panganib.

Ang kanyang pamilya ay dapat ding ingatan.

Pero ang pag-iingat ay dapat na habambuhay. Hindi ‘yung mahalaga lang siya habang may trial sa kaso at bibitiwan na siya makaraan.

GUTOM AT KAHIRAPAN

Hindi dapat na dumanas ang testigo ng gutom, kahirapan at kawalan ng kinabukasan.
Ayaw nating marinig bukas na wala na sa kanyang safe house si Andal at isa nang malamig na bangkay dahil sa gutom, kahirapan at iba pang anyo ng kapabayaan.

Lalong ayaw nating marinig na bumaligtad siya na magbubunga naman ng kawalang-sala ng mga gumawa ng karima-rimarim na krimen dahil pa rin sa kapabayaan ng pamahalaan.

HUWAG ISAMA SA MGA AMPATUAN

Dapat na ihiwalay si Bong Andal sa mga suspek na nakakulong sa Bicutan dahil maaaring mamatay siya roon sa kamay ng mga may gustong patahimikin siya. Kahit isama pa siya bilang akusado na bahagi ng proseso sa pagiging state witness.

Dapat na gumawa ng paraan ang pamahalaan na ang magtatago sa kanya ay walang koneksyon sa sinomang suspek. Kahit pulis, NBI at sundalo ay dapat na dumaan sa matinding pagsasala upang hindi manganib ang buhay at pamilya ni Andal.

LIMITAHAN ANG PAG-UUSIG

Mungkahi natin na huwag pagsabay-sabayin ang trial ng lahat ng mga akusado. Maaaring ihiwalay ang mga prinsipal na akusado mula sa mga accomplice at accessory. Diyan sa mga principal accused mag-concentrate ang hukom na lumilitis sa kaso.

Sa pamamagitan nito, mas mabilis ang pagtakbo ng kaso at pagkamit ng katarungan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply