Join na sa Stiletto Race sa Marikina

INAANYAYAHAN ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa pangunguna ni Mayor Del De Guzman ang lahat na lumahok at makiisa sa isasagawang “Tour De Takong” a.k.a Stiletto Race na bahagi ng pagdiriwang ng Sapatos Festival 2012 sa ika-16 ng Nobyembre sa kahabaan ng Shoe Avenue.

Tinatayang may 500 metrong takbuhan, ang karera ay magsisimula sa harap ng Teatro Marikina at magtatapos sa Cityhood Park.

Ito ay bukas sa lahat ng kalalakihan at kababaihan, edad 18 pataas, at Filipino citizen, residente man ng Marikina o hindi.

Maaaring magsuot ng anumang uri o disenyo ng stiletto na ang takong ay may taas o sukat  na hindi bababa sa 3 pulgada (inches) at dulo o tip na  hindi lalapad sa 1.5 centimeters ang diameter. Hindi maaaring i-tape o idikit ang stiletto sa paa ng kalahok.

Ang edad ng kalahok, taas ng takong at diameter ng dulo ng takong o tip ng takong ay susuriin bago ideklara ang mga mananalo.

“Ang Stiletto Race na ito ay ginagawa hindi lamang upang maipakita ang ganda ng disenyo ng ating mga sapatos kung hindi maging ang tibay din ng mga ito kung kaya ating hinihikayat ang mga lalahok na isuot ang stiletto na gawang Marikina dahil subok na ang tibay ng mga ito,” wika ni De Guzman.

Pinapayuhan ang mga kalahok na magtungo sa lugar ng karera sa ganap na ika-5:30 umaga. Magsisimula naman ang takbuhan sa ganap na ika-7 ng umaga. Ang mga  lalaki at babaing kalahok ay tatakbo nang magkahiwalay ayon sa kanilang kategorya.

Hinihikayat din ang mga kalahok na magsuot ng magara, sexy at kakaibang kasuotan para sa mga espesyal na premyong ipamimigay tulad Shoe-perstar Award, Shoes-yal Award, Shoe-nique Award, Shoe Sexy for this Race! Award, and the Miss Shoe-niverse Award.

Samantala, ang mga mangunguna sa takbuhan ay magkakamit ng medalya at premyong Php10,000 sa makakakuha ng unang pwesto; Php7,000 para sa ikalawang pwesto; at Php5,000 sa ikalong pwesto.

Sa mga nais magpatala, ito ay libre at maaaring makuha ang registration form sa Marikina Sports Park, Marikina City Hall lobby, Marikina Cultural Tourism Trade and Investment Promotions Office (MCTTIPO) at Sapatos Festival Secretariat sa General Services Office.

Kinakailangan ipasa ng mga kalahok ang form sa registration area sa mismong araw ng karera.  Ang mga kalahok ay kailangan magdala ng valid ID o anumang katibayan na sila ay 18 taong gulang pataas.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply