Kasambahay tumangay ng P3-M ipinakulong ni Comm. De-Castro

CAMP BAGONG-DIWA, Taguig City – INAKUSAHAN at ipinakulong ni National Labor Relations Commission (NLRC) Commissioner Atty. Nieves Vivar De-Castro ang kanilang kasambahay matapos umano nitong limasin ang laman ng kanilang vault na naglalaman ng mga mamahaling alahas at cash na aabot sa halagang P3 milyon na sinasabing naganap noong Lunes ng umaga sa loob ng pamamahay nito sa Dumandan St., Brgy. Santolan, Pasig City, ayon sa ulat na nakarating sa pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) noong Miyerkules ng hapon.

Ayon sa sumbong ni De-Castro, itinuro nito ang kanilang kasambahay o katulong na si Emily Gocado na umamin umano sa mga imbestigador na may hawak ng kaso na ito ang lumimas ng kanyang mga alahas at P3M cash na nakatago sa loob ng vault ng makuha nito ang susi na kanyang nakaligtaan sa ibabaw ng computer.

Sinabi ng nagreklamong Commissioner sa mga awtoridad na dakong 7:00 ng umaga ng matuklasan niyang wala ng laman ang loob ng kaniyang kaha-de-yero.

Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga pulis sa lungsod ng Pasig, walang gatol na inamin anila ng katulong ang ginawa nitong pagsira sa pagtitiwala ng kanyang amo kung saan ang mga nakulimbat na mga alahas ay agad nitong naipasa sa isang nagngangalang “Badong.”

Sinampahan ng abogadang si De-Castro ang kanyang ipinakulong na kasambahay ng kasong qualified theft habang patuloy pa rin na nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga awtoridad upang alamin ang kinaroroonan ni Badong na pinaniniwalaang kasabwat ng suspek.

Samantala, isang hinihinalang miyembro ng street hoodlums sa Tondo Manila ang maagap na nahuli ng mga elemento Manila Police District PS-1 pagkaraan ng maigting habulan na naganap dakong 12:45 ng gabi noong Miyerkules sa kahabaan ng Honorio Lopez Boulevard, sa may kanto ng Earshaw Street ng naturang lungsod.

Kinilala ng mga nagrespondeng awtoridad ang kanilang binitbit na sina Jeffrey A. Preclaro, 17, nakatira sa Bldg. 21, Katuparan, Vitas sa Tondo, Manila habang ang dalawang kasabwat nito ay iniulat na nakatakas.

Sa ulat na nakarating sa NCRPO, nagsasagawa anila ng routine patrol ang MPD, PS-1 doon sa nabanggit na lugar ng marinig ng mga ito ang mga nagsisigawang pasahero na humihingi ng tulong bunsod ng ginawang pangho-holdup anila ng armadong grupo.

Sa nangyaring pagtutugisan, nasamsam mula sa nasakoteng suspek ang ebidensiyang patalim na ginamit nito sa krimen.

Nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa BP 6 o illegal possession of deadly weapon ang ikinulong na salarin.

Nakarating din sa pamunuan ni NCRPO Police Director Leonardo Espina ang ginawang pagbitbit ng Sta. Mesa Police Station kay Virgilio Laik, 42, at itinurong suspek ng biktima nitong si Gladys Sasot sa kasong robbery na naganap sa kahabaan ng RM Boulevard Sta. Mesa, Manila dakong 8:00 ng gabi noong Lunes.

Dagdag pa dito ang accomplishment report ng Marikina Police Station kung saan ay dinampot ng mga ito ang mga suspek na sina Arnold Gonzales at Bernid Marol sa Brgy. Parang Playground, Rodriguez St., sa kasong paglabag sa PD 1602 o color game habang si Robert Alvarez ay dinampot naman ng mga undercover agents sa kasong paglabag sa RA 9165 ng masamsaman ito sa buy bust operations ng 2 plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu at iba pang illegal drugs paraphernalia dakong 7:45 noong Miyerkules ng gabi sa 129 Molave St., ng nasabing lungsod.

Nagsumite rin ng ulat ang Mandaluyong City Police Station sa NCRPO kung saan ay binitbit ng mga ito ang isang Iranian national na nakilalang si Reza Molladavoudi, 23 matapos na ireklamo ng taxi driver na si Reynaldo Manzo dahil sa nabigo umano itong magbayad ng P201.00 pasahe pagkaraang magpahatid sa kanyang tinutuluyang bahay sa Boni ave., Mandaluyong City.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply