Katapatan, pag-aayuno solusyon sa paglaganap ng HIV/AIDs

IGINIIT ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang fidelity at abstinence ang solusyon sa lumalaking problema ng bansa sa HIV-AIDS infection.

Ang pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), ay ginawa kasunod nang nalalapit na pag-obserba ng Simbahang Katoliko sa 2nd National AIDS Sunday sa Disyembre 2 na may temang “Getting to Zero. Be true. Stay True.”

Ayon kay Pabillo, ang pagkalat ng nakamamatay na HIV virus ay indikasyon ng problemang pang-ispiritwal at moral ng tao.

Nanawagan rin si Pabillo sa lahat ng dioceses sa bansa na mas maging masigasig sa pagdedeklara ng mga pamamaraan upang maiwasan ng mga mamamayan ang magkaroon ng HIV-AIDS infection.

Sinabi ng Obispo na dapat na ituro ng mga pari sa publiko na ang premarital abstinence ay dapat na pag-aralan ng mga mag-nobyo pa lamang dahil makapaghihintay ang tunay na pag-ibig.

Aniya pa, dapat ring maging tapat sa isa ang mga mag-asawa upang makaiwas sa sakit.

“In many cases, the spread of HIV is a symptom of deeper spiritual and moral maladies of society. To stop the virus, there must be a conversion of hearts through deeper friendship with Jesus Christ, the “One who gives life, and life in abundance” (Porta Fidei 2) as exemplified in the life of the young St. Pedro Calungsod,” paliwanag pa ng Obispo.

Ikinaaalarma ng Obispo ang ulat na siyam na Pinoy ang tinatamaan ng naturang sakit araw-araw at hindi nakakaligtas maging ang mga kabataan.

Sa ngayon aniya ay mahigit 10,000 na ang HIV cases sa bansa at 1/3 nito ay nagkaka-edad lamang ng 15-24.

Ang 80% naman ng mga bagong kaso ay nakuha sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki at isa sa bawat 10 kaso ay overseas Filipino workers (OFWs).

Maging ang mga HIV cases sa mga injecting drug users ay tumataas na rin aniya.

Aminado si Pabillo na nahaharap ang simbahan sa malaking hamon na maabot ang mga naturang vulnerable groups at humanap ng akmang tugon para masolusyunan ang problema sa prostitusyon, human trafficking, kahirapan, corruption ng moralidad at illegal na droga.

Kaugnay nito, sa Disyembre 2, ganap na 6:00 ng gabi ay magdaraos ang simbahan ng banal na misa sa Archdiocesan Shrine of Nuestra Senora de Guia Parish, sa Ermita.

Inaanyayahan din ni Fr. Sanny de Claro, parish priest, ang lahat ng miyembro ng Philippine Catholic HIV & AIDS Network, ang HIV-positive community at iba pang support groups na lumahok sa okasyon.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply