Katarungan kay Causo at sa iba pang pinapaslang

HINDI biro-biro ang sinasapit nating mga mamamahayag.

Kung hindi tayo gustong busalan sa bibig, piringan sa mata o ibilanggo, tayo’y pinapatay.

JULUIS CAESAR CAUSO

Habang tinitipa natin ito, si Julius Caesar Causo ay nakaburol pa makaraan siyang tumbahin ng isang nakamotorsiklo habang papunta siya sa kanyang trabaho bilang brodkaster ng Radio dwJJ at nakasakay sa  sarili niyang motorsiklo.

Tatlong bala mula sa likod ang tumapos sa buhay ni Causo.

Sa pagkakatanda natin, pang-15 na si Causo sa mga pinapatay sa ilalim ng pamahalaang Aquino.

At pang-5 siya sa taong ito.

KORAPSYON NG LOCAL OFFICIALS

Tulad ng dati, wala pang gaanong nalalaman ang pulisya sa pagkakilanlan sa pumaslang kay Causo.

Ngunit malaki ang posibilidad na may kinalaman ang krimen sa pagbatikos niya sa mga katiwalian ng ilang lokal na opisyal sa Nueva Ecija.

Kumikilos na umano ang pulisya para alamin sa rekord ng radyo kung sino-sino ang mga nabatikos nito at kung may kaugnayan ang mga ito sa pagpaslang.

Ngunit hanggang saan aabot ang aksyon ng pulisya?

MATUTULAD SA IBA

Ang nakalulungkot, mga Bro, ay baka matulad lamang ang kaso ni Causo sa nagdaang mga pagpatay sa mediamen na blangko ang mga kinauukulan sa pagkilala sa mga triggerman at utak sa pagpatay.

Tanging ang kaso ni ABS-CBN broadcaster Doc Gerry Ortega ang malinaw ang kalagayan.

Ngunit naririyan ang matinding lungkot  dahil mismo pang mga opisyal ng pamahalaan ang nagpatakas sa mga utak ng krimen palabas ng bansa.

Ganyan kalungkot, mga Bro, ang nagaganap sa hanay ng mga mamamahayag.

MAGUINDANAO MASSACRE

Naganap ang pagpatay kay Causo habang naghahanda ang lahat sa paggunita sa nakaririmarim na pagpaslang sa ating 34 kapatid sa propesyon noong Nobyembre 23 2009.

Kabilang sila sa nasa 58 kataong minasaker ng umano’y ilan sa makapangyarihang Ampatuan clan sa Maguindao.

Makaraan silang ratratin ng mga baril, ibinaon sila lahat sa pamamagitan ng backhoe.

Kasamang ibinaon ang mga sasakyan ng mga ito upang walang magiging palatandaan sa nakasusukang krimen.

Napilitan na lang noon ang gobyernong Arroyo na asikasuhin ang pangyayari nang sumambulat sa buong mundo ang balita.

Noon lang naganap sa buong mundo at kasaysayan ang massacre sa mediamen na ganun karami ang biktima.

Kahit pa sinasabing pangatlo lamang ang mahal kong Pinas sa Iraq at Somalia na pinakadelikadong lugar para sa mediamen.

NASAAN ANG KATARUNGAN

Hanggang ngayon, wala pang nakaaalam kung ano ang kahihinatnan ng pag-uusig sa kaso.

Tama naman na kumpleto na ang kasong naisasampa dahil naihabol ang kaso ng ika-34 na mediaman.

Subalit nananatili ang katotohanang halos panimula pa lamang ang lahat ng nagaganap at sa kulang-kulang na 90 na akusado, hindi pa lahat ay nasasakdal.

Dahil sa inaasahang tagal ng pag-uusig dito, maaaring matulad at hihigitan ng Maguindanao massacre case ang lahat ng mga siyam-siyam na kasong kriminal sa bansa.

Kung inabot ang Vizconde massacre ng halos 20 taon bago nagkaroon ng pinal na desisyon mula sa Supreme Court, maaaring higit na matagal ang lakad ng masaker na ito.

JUSTICE DELAYED, JUSTICE DENIED

Malamang na magiging buhay na pruweba ang Maguindanao massacre sa kasabihang “justice delayed, justice denied.”

Sa tagal ng aabutin ng kaso bago magkaroon ng pinal na desisyon mula sa SC, sino-sino pa kaya ang makikinabang sa katarungan dito?

Anak ng tokwa, buhay pa kaya ang mga akusado sa oras na basahin ng mga Hukom sa SC ang kanilang pinal na desisyon?

Paano ang mga pamilya ng mga biktima kung marami na rin sa mga ito ang wala na sa ibabaw ng mundo sa mga huling araw ng kaso?

PRINSIPAL NA AKUSADO

Siyempre pa, magiging happy lamang tayo, mga Bro, kung idedeklara ng huwes sa Regional Trial Court na may mga guilty sa mga akusado.

At higit tayong matutuwa kung lahat ng mga utak ng krimen ay mapatutunayang guilty.

Sapagkat kung maideklara silang inosente, ano sa palagay ninyo ang magaganap pagbalik ng mga ito sa Maguindanao?

Nakatatakot isiping muling nabuhay ang mga berdugo para ipagpatuloy ang kanilang nakatatakot na gawain.

ELEKSYON NA NAMAN

Naganap ang Maguindanao massacre dahil sa halalan.

May kaugnayan din ba sa halalan ang pagpatay kay Causo?

Paano ang pagsiklab ng apoy ng halalang 2013?

Hindi kaya lalong darami ang mga mapapaslang na mediamen?

Sapagkat nagsimula na ang mga dirty politics na humahatak o nagtutulak ng mga reporter sa mga libingan.

Huwag naman po sanang masundan nang masundan ang mga pagpaslang sa ating hanay.

Huwag naman sanang kitilin ng mga mamamatay-tao at korap ang buhay ng mga mamamahayag para pagtakpan lang ang kanilang kademonyohan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply