Kelot timaan ng ligaw na bala, malubha

HINDI mapipili ng isang nilikha ang lugar na ligtas kung talagang darating ang kamatayan o panganib sa buhay.

Ito ang kinahinatnan ng isang lalaki nang tamaan ng ligaw na bala habang natutulog sa loob ng kanilang bahay kaninang madaling araw sa Pasay City.

Nilalapatan pa ng lunas ngayon sa Pasay City General Hospital bunga ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng mukha ang biktimang si Ferdinand Cruzin, 56.

Batay sa imbestigasyon ni SPO3 Ronald Frades ng Station Investigation and Detective Management Bureau (SIDMB) ang insidente ay naganap dakong 2:00 ng madaling araw habang nahihimbing sa pagtulog ang biktima sa kanilang bahay sa No. 224 Gloria St., M. dela Cruz, Pasay City.

Ayon sa kasama ng biktima na si Felix Garcia, nakahiga na umano sila ng biktima nang makarinig siya ng putok ng baril sa labas ng bahay, ilan segundo ang nakalipas, isang malakas na kalabog mula sa bubungan ang narinig.

Biglang bumalikwas na duguan ang biktima bago nagkikisay sa tindi ng sakit at inihatid sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Inaalam pa ng awtoridad kung sino sa mga residente ang nagpaputok ng baril habang hinihintay pa ang resulta ng ballistic examination sa nakuhang bala sa mukha ng biktima.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply