Kita ng malalaking negosyo nasa likod ng pagsuporta sa RH Bill

cbcp

NANINIWALA ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na malaking kita o pera ang dahilan kung bakit suportado ng malalaking negosyo ang Reproductive Health (RH) bill.

Ayon kay Antipolo Auxiliary Bishop Francis de Leon, hindi na siya nagtataka kung bakit maraming business group ang sumusuporta sa RH bill, maging sa watered down version nito na isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sinabi ng Obispo na ang mga naturang negosyante kasi ang makikinabang kapag naisabatas ang naturang panukala, na itinuturing na “anti-life bill” ng Simbahan.

Ipinaliwanag pa nito na kapag naisabatas na ang RH bill ay sa mga malalaking grupo ng mga negosyante bibili ang pamahalaan ng contraceptives, mga condom at anti-life drugs na isu-supply ng mga dayuhang pharmaceutical companies.

Ikinalungkot din ng Obispo ang katotohanan na mas pinapahalagahan ng mga negosyante ang kita o pera kaysa sa sagradong buhay.

Kumpiyansa naman ang Obispo na sa pamamagitan ng sama-samang panalangin ay mananaig ang pagmamahal sa buhay at pamilya.

“Malalakas sila, malalakas ang kalaban, may pera sila. Ganun naman ang pakay ng RH bill, pera ang involve diyan. Pero sa mahalaga sa lahat ang panalangin dahil kung wala nito ay matatalo tayo,” ani de Leon, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Samantala, nagagalak at nagpapasalamat naman si CBCP President at Cebu Archbishop Jose Palma sa patuloy na pagtutol ng mga Filipino at mga mambabatas na maisabatas ang RH bill.

Muling nananawagan sa publiko si Palma na manindigan laban sa anumang hakbang na kontrolin ang populasyon, sirain ang moralidad ng mga Filipino at ipilit sa mga Filipino ang “contraceptive mentality”.

Hinimok din ng Arsobispo ang mga mananampalataya na maging aktibo sa education campaign sa masamang idudulot ng RH Bill.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply