Live media coverage at nangangamoy sa FOI Bill

benny antiporda

DALAWANG malalaking bukol ang tinamo ng mamamayan mula sa mga awtoridad nitong nagdaang mga araw.

Sa Supreme Court, ipinagbawal na ang live coverage sa pag-uusig o trial sa Ampatuan massacre na kinamatayan ng 33 mamamahayag at 25 iba pa.

Sa Kamara, hinarang ang pagpapasa sana ng panukalang Freedom of Information.

MALA-PACQUIAO NA PANOORIN

Sa live coverage, mga Bro, pupuwedeng panoorin sa mga barangay covered court hanggang tahanan ang pagdinig sa kaso.

Ito’y nasa loob mismo ang mga telebisyon, radio at iba pang taga-media na nagbabato nang live na balita ukol sa nagaganap sa loob ng hukuman.

Dahil sa telebisyon, teleradyo at internet na rin ng mga diyaryo at radio, lahat ay mapanonood at maririnig kung ano ang ginagawa ng huwes, ang pinagsasabi ng mga abogado at saksi at marami pang iba.

Bukas na bukas sa mata at tainga ng mamamayan, at ng buong mundo ang pagdinig.

KATOTOHANAN AT KASINUNGALINGAN

Sa pamamagitan ng live coverage, mahihirapan ang sinoman na dayain ang paggawa ng mga desisyon at gumawa ng pagsisinungaling.

Lahat ng katototohanan ay malalaman at walang maitatago. Walang lihim na hindi mabubunyag sa live coverage.

At pabor ito sa lahat ng panig. Tamang katarungan ang tiyak na lalabas sa desisyon ng isang huwes.

MAY ITINAGO?

Ano na ngayon ang mangyayari sa sarado na sa mata at tainga ng publiko na pagdinig?

Lilikha ito, mga Bro, ng pagdududa…kung lalabas nga ang tunay na katotohanan at katarugan sa huling mga araw.

Kahit walang gagawing masama ang huwes o sinomang may interes sa kaso, tiyak na mayroong magdududa.

At kung magkaroon ng pagdududa, habang panahon na magkakaroon din ng damdamin na may inhustisya.

At kung may inhustisya, alam ba ninyong ang buong pamahalaan ang kamumuhian ng mamamayan?

Kaya, hinihiling natin sa Supreme Court na ibalik ang live media coverage sa pagdinig sa kaso.

FOI TINIRADOR

Sinabi ng mga kongresman noong una na isisingit nila na pag-usapan ang Freedom of Information Bill.

Yun bang === panukalang magbibigay ng karapatan sa mamamayan na kumalkal at tumingin sa lahat ng rekord ng gobyerno at mga transaksyon ng gobyerno at mga opisyal nito.

Sa dami kasi ng mga korap na opisyal ng gobyerno at sa dami ng mga pagkakamali mismo ng gobyerno sa mga batas at patakaran nito, karapatan ng mamamayan ang makialam.

Buom-buo, mga Bro, ang karapatan ng mamamayan dahil galing sa kanila ang buwis na ikinabubuhay ng pamahalaan at ikinayayaman ng mga lintek na korap at mandarambong.

Sabi nga nila, kung walang buwis ng nakararaming mamamayan, babagsak mismo ang pamahalaan.

Kaya dito nagsisimula ang batayang karapatan ng mamamayan na makialam.

RIGHT TO REPLY

Anak ng tokwa, akalain ba nating ginustong singitan ng panukalang right to Reply ang FOI Bill.

Sinasabing halos walang koneksyon ang dalawang panukalang ito para isama na laman
ng FOI ang Right to Reply Bill na yan.

Doon na naubos ang oras ng mga kongresman sa diskusyon at bawal umano ang lumampas sa oras.

Sadyang binaboy ang diskusyon sa FOi ng mga  ayaw na makalkalan ng mga kabulukan sa pamahalaan.

Kasi naman, kabilang sa mga target ng pagkalkal ang paggamit ng mga kongresman ng kanilang mga pork barrel.

Hehehe!

PALASYO ‘DI PUMALAG

Nakaiintriga lang ang pananahimik ng Malakanyang sa mga usaping ito.

Ang ikinakatwiran, hindi nila pupuwedeng pakialaman ang mga ginagawa ng mga mambabatas.

Pero kung interes naman nila ang nakasalang gaya ng ginagawang batas para sa Sin Tax Bill at RH Bill, hayun at panay ang pagtutulak nila.

Ano ang interes ng mga taga-Palasyo sa Sin Tax Bil at RH Bill at ganun na lang ang pagpupursige nilang maipasa ang mga ito?

Bakit todo iwas-pusoy ang mga ito sa FOI Bill? Hehehe!

MAY PERA SA SIN TAX AT RH BILLS

Sino-sino kaya ang mga magkakapera sa mga buwis sa sigarilyo at alak?

Sino-sino rin ang mga magkakapera sa bilyon-bilyong pisong halaga ng mga contraceptive na bibiilhin at ipamamahagi ng pamahalaan?

Diyan sa buwis sa alak at sigarilyo, lalong babalong ang balon ng salapi na pinagkukunan ng mga mambabatas sa Kamara at Senado at taga-Palasyo ng kanilang mga pork barrel.

Diyan sa RH Bill, bilyon-bilyong piso ang gagastusin ng gobyerno para sa condom, pills, konsultasyon sa doktor at iba pang kasali sa usapan.

Sino-sino ang mga magkakaroon ng mga komisyon sa mga transaksyon at ghost project dito?

PERA NA, BATO PA SA FOI BILL

Eh dito sa FOI Bill?

Dahil mababantayan ng mamamayan ang pondo ng bayan at mga proyekto at transaksyon sa ilalim ng FOI, iniisip ng mga korap at mandarambong na purnada ang lahat ng kanilang pagkakakitaan.

Sa ibang salita, masasabi nilang “pera na, naging bato pa.”

Kaya no to FOI Bill sila at yes na yes sa Sin Tax Bill at RH Bill.

Anak ng tokwa!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply