Madali ang gumawa ng bata

Allan-Encarnacion-mano_mano-web-copy

GUSTONG-GUSTO kong suportahan ang panawagan ng simbahan na labanan ang Reproductive Health Bill pero dinadaig ng reyalidad ang pantasya ng sinasabi nilang paraiso sa pagrespeto sa buhay na gawa ng Diyos. Lahat naman tayo ay nakasandig sa katotohanang mahalaga ang buhay kaya hindi ito dapat maging bahagi ng komersiyo ng tao.

Ang pagbebenta ng World Health Organization affiliate-factory ng condom, pills at iba pang sangkap para mapigil ang rapido ng pagdami ng mga bata ay sekondarya na lamang sa aking pagtingin o kahit pa totoo ang alegasyon na bilyong dolyar na lobby money ang umiikot para mapagtibay ang RH bill.

Isa ako sa mga hindi nagbibigay ng limos sa tuwing may mga nakalahad sa kalsada o kaya’y kakatok sa bintana ng iyong kotse sa gitna ng Edsa o Espanya.

Ang mga barya sa aking kotse ay nakalaan sa mga park boy na kahit paano’y aasistehan ka sa pagparada mo o kaya’y sa mga paborito kong newspaper vendors na tuwing umaga’y inaabangan akong dumaan para bumili ng diyaryo at umaasa sa pasobra kong sampung piso o beinte na konsuwelo sa kanilang pagsisikap.

Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag ng simbahan na hindi dapat pigilan ang pagbubuntis ng isang babaeng nagtitinda ng sampaguita na umibig sa isang nagtutulak ng kariton na ang tanging ikinabubuhay ay pangangalahig ng basura.

Wala tayong planong maliitin ang hanapbuhay nila subalit dapat buo sa kanilang isip na maliit lamang ang kanilang kita at hindi ito sasapat para buhayin ang anim hanggang walong tsikiting. Kailangang humarap sa atin ang simbahan at sabihin kung tama bang ang walong anak ng mag-asawang ito ay ipaghele sa kariton at gawing sala’t kusina nila ang bangketa.

Sa maraming taon ng pag-aaruga sa kanila ng kalsada, aasa ba tayo na magkakaroon ng bagong hulma o maayos na tao mula sa kanilang walo na magmula pa sa pagkabata ay namamilos, namulot ng basura, nagbitamina sa pagpag na pagkain? At ang mga batang ito rin ay nakipaglaro sa kanyang mga kapwa batang katulad din ng kultura nila na tinangay rin ng panahon sa paggawa ng mga petty crime gaya ng snatching, pickpocketing at salisi sa mga food chain.

Kung hindi makapapasok sa eskuwela, sila-sila ring mga uri ng bata ang magkakagustuhan sa kanilang paglaki hanggang sa maging katulad na rin sila ng kanilang mga nanay at tatay. Ang tanging mana, ang kariton na itinutulak at ang buong kalsada na hindi naman puwedeng patituluhan para sa kanila.

At magpapasalin-salin ang lahi nila, maraming anak, walang tiyak na tahanan kung hindi ang ilalim ng tulay.

Hindi ba’t ang pagkakait ng maayos na buhay, edukasyon, tahanan at magandang kinabukasan sa mga batang ito ay isang malaking pagkakasala sa Diyos na dapat makita ng simbahan?

Hindi natin dapat gamiting argumento ang malaking populasyon ay lakas at yaman ng isang bansa. Paano mo mapapakinabangan ang mamamayan mong salat sa kaalaman, walang laman ang tiyan at pinanday na ng paggawa ng kasamaan dahil naging laman na ng lansangan?

Magiging masama lamang ang RH Bill kung ito ay nagsusulong ng aborsiyon, euthanasia o mercy killing.

Pero kung ang ultimong pakay nito ay isalansan at ikamada nang maayos ang mga mamamayan kung paano ba maging responableng tatay at nanay, wala tayong nakikitang masama rito.

Kailangang maitanim sa mga magkapareha na hindi lamang ang pagtatalik ang bahagi ng kanilang pagmamahalan.

Madali lang gumawa ng bata pero mahirap ang pagpapalaki sa kanila nang tama.

Ito ang dapat na ipamulat sa kanila ng simbahan at hindi ang pagpaparami sa kanila nang wala sa katwiran.

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply