Madugong anomalya sa Philippine Red Cross

Allan Encarnacion mano_mano web copy

MAY namumuong Intensity 10 earthquake sa loob mismo ng Philippine Red Cross na kapag hindi naagapan ay ikaguguho ng institusyong nakilala bilang sentro ng pagtulong sa kapwa sa lahat ng panahon, lalo na sa tuwing may kalamidad.

Ang PRC ay isang NGO subalit kinikilala ng gobyerno bilang grupong may mandato para isagawa ang mga humanitarian mission.

At ito ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan para tumanggap ng mga donasyon mula sa mga pribadong sektor, sa publiko at maging mula sa international donors.

Pero ayon sa ating source, maraming paksiyon na ngayon sa PRC ang sumisigaw ng pagbabago sa liderato mula ulo hanggang paa para magbigay-daan sa isang pamunuang magsusulong ng totoong layunin ng grupo.

Patong-patong na isyu ng katiwalian ang sinasabing sanhi ng “pagkulo ng dugo” ng mga taga-PRC kaya may nagbabadyang delubyo sa isa sa pinakamatanda at pinaka-credible humanitarian institution sa bansa na ang affiliation ay kinikilala sa buong mundo.

Noong mga nakaraang taon, nagkaroon ng isyu ng nakawan ng pondo sa PRC chapter lang na ikinagulantang na ng buong grupo. Pero sa pagkakataong ito, central office at national  command na ang nakaamba sa isang matinding krisis.

Matinding kiskisan ang nangyayari sa pagitan ng mga opisyal ng PRC dahil may mga grupong tumatawag ng malalimang imbestigasyon sa mga nawawalang pondo subalit may mga paksiyon naman na ayaw umayon dito.

Sa Agosto 30, 2012 Board Meeting, mismong si Governor Rosa Rosal na walang bahid dungis ng paglilingkod sa PRC ang naglabas ng pahayag na pumapabor sa top to bottom investigation sa mga anomalyang nangyayari sa Red Cross.

Sa kabila ng ganitong pagkilos ni Madame Rosal, walang nangyaring imbestigasyon at sa halip ay nagpatuloy ang sinasabing kapistahan sa pagkawala ng pondo ng PRC. Ito na ba ang simula ng pagdanak ng dugo mula sa PRC na mahabang panahon nang pinagkakatiwalaan ng bayan?

Sino-sino ang mga sangkot sa pagwawaldas ng pondo ng PRC na dapat sana’y nakalaan sa mga humanitarian mission? May gumagala bang mga bampira at drakula sa PRC na sumisipsip ng dugo ng buong institusyon?

Abangan ang breaking dawn… the bloody red cross saga!

***

Totoo ba ang nakarating na impormasyon sa atin na may dumating na dalawang trak ng baril ng Trust Trade sa PNP Firearms warehouse na bahagi ng kanilang delivery sa napanalunang kontrata para sa P1.2 bilyon hand guns?

Aba’y kung totoo ito, dapat siguro ay paimbestigahan ni Agham Partylist Congressman Angelo Palmones dahil kailan lang ay binawi niya ang naunang statement na may mga dumating nang armas kahit hindi pa tapos ang proseso ng bidding.

Pero ang magandang tanong dito, bakit sobrang bilis naman ata ng pagdating ng mga baril gayong nito lamang huling linggo ng Okubre napirmahan ni General Bartolome ang Notice of Award?

Kung ito ay nagmula talaga sa Glock sa America, paano nangyaring dumating after Undas ang mga baril?

Malisyoso pa naman akong tao, iniisip ko tuloy na habang ginagawa ang bidding ay nagde-deliver na ang Trust Trade kaya puwedeng paimbestigahan ni DILG Secretary Mar Roxas baka sweetheart deal ito.

Ibig sabihin, hindi pa man nagkakaligawan ang PNP at Trust Trade ay nakapagtanan na!

Disgrasyadang buhay naman, o!

allanpunglo@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply