Mag-utol na pumatay sa UST alumna, kinasuhan na

HINDI lang robbery with homicide kundi pati kasong attempted rape ang isinampa laban sa isang magkapatid na brutal na pumatay sa isang University of Santo Tomas alumna na si Cyrish Magalang sa Bacoor, Cavite noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Bacoor police head P/Supt. Romano Cardino, na mayroon silang sapat na basehan para idiin ang magkapatid na sina Rolin at Roel Gacita Jr sa pagpatay kay Magalang.

Isinampa na, aniya, ang kaso sa Cavite Provincial Prosecutor’s Office kaninang umaga lamang (Nobyembre 5).

Ayon pa kay Cardino, dahil sa mga kasong isinampa ay malamang na hindi papayagan na makapagpiyansa ang magkapatid.

Idinagdag din nito na kumpiyansa sila na ang mga ebidensyang kanilang nakalap ay may pangil para madiin ang Gacita brothers.

Naaresto ang magkapatid na Gacita nitong nakaraang Biyernes matapos may lumutang na testigo na nagsabing nakita niyang sumakay si Magalang sa mas batang Gacita nang gabi nang huli itong makitang buhay.

Natagpuan ang bangkay ni Magalang kinabukasan o Huwebes ng umaga na may 49 na saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

May indikasyon rin na tinangkang halayin ang cum laude student ng Gacita brothers dahil nakita ang puting underwear nito na nakababa hanggang sa may paa nito.

Pero sa ikinasang awtopsiya, lumabas na hindi natuloy ang panggagahasa dahil nanlaban ma-igi si Cyrish kaya ito pinagsasasaksak ni Rolin.

Bagama’t ipinipilit naman ni Roel na hindi siya ang pumatay kay Cyrish, idinawit pa rin siya sa kaso dahil hindi niya pinigilan ang kanyang kapatid sa masamang balak nito sa biktima o siya ay isang accessory to the crime na dapat may pananagutan sa batas.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply