Magkatulad na pataw sa mga traffic violator na driver kinatigan

INAPRUBAHAN ng mga alkalde sa Metro Manila ang resolusyong inilatag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na humihiling na magkaroon ng magkakahalintulad na multa na ipapataw sa mga mahuhuling tsuper na lumabag sa batas trapiko.

Sa ginanap na pulong ng Metro Manila Council (MMC) kanina, sinabi ni assistant manager for operations ng MMDA na si Atty. Emerson Carlos, inilatag nila ang resolusyon sanhi na rin ng reklamong inihain sa kanila ng iba’t ibang grupo ng transportasyon at mga motorista na nalilito sa magkakaibang multa na ipinapataw ng 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Inihalimbawa ni Carlos ang napakataas na multa na ipinapataw sa Caloocan City sa mga tsuper na nahuhuling lumalabag sa batas trapiko kumpara sa ibang mga lungsod.

Nilinaw naman ni Carlos na hindi kabilang sa napagkasunduan ang parehas ding multa na ipapataw ng Land Transportation Office (LTO) lalu na’t wala namang kinatawan ang naturang ahensiya nang magpulong ang technical working group na bumalangkas sa magkakahalintulad na multa.

Dahil wala isa man sa mga miyembro ng MMC ang sumalungat, inaasahan na ang panibagong pagpapasa ng Ordinansa ng 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila na tutugma sa pagpapataw ng magkakahalintulad na multa na kanilang ibabatay sa ipinasang resolusyon bago tuluyang ipatupad sa Enero ng susunod na taon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply