Mahirap intindihin

bobby-ricohermoso

HINDI kataka-taka na nagpupuyos sa galit ang mga mamamahayag sa pangunguna ni National Press Club (NPC) President Benny Antiporda.

Nakabibigla kasi ang ipinalabas na desisyon ng Supreme Court kamakailan hinggil sa pagtanggi nito sa petisyon ng mga pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na 2009 Maguindanao Massacre na magkaroon ng live media coverage ang pagdinig sa nasabing kaso.

Sa halip, pinagbigyan ng SC ang petisyon ni dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., isa sa mga akusado sa kaso na ipagbawal ang live media broadcast sa pagdinig na ginagawa ni Judge Jocelyn Solis- Reyes ng Quezon City Regional Trial Court.

Sa inilabas nitong resolusyon, sinabi ng High Court na ang “karapatan ng akusado sa isang parehas na pampublikong paglilitis ay hindi dapat ipagkamali sa kalayaan ng pamamahayag at ang karapatan ng publiko na malaman ang kaganapan sa paglilitis.”

Sa madaling salita, sinasabi ng SC na hindi puwedeng gawing dahilan at hindi mangingibabaw ang freedom of the press laban sa karapatan ng mga akusado na maaaring sumailalim sa matinding paghusga ng madla bunga ng live broadcast ng paglilitis.

Sa panig ng mga mamahayag na nawalan ng mahigit 30 kapatid sa hanapbuhay dahil lamang sa walang kuwentang dahilan at sa mga kamag-anak ng mga biktimang ito ay mahirap talagang intindihin at tanggapin ang desisyong ito ng Korte Suprema.

Hindi talaga nila maiintindihan ang desisyon dahil sila ang mga nasaktan at nawalan at walang anomang iba pang dahilan o legalese ang magku-kumbinsi sa kanila para paniwalaan ang desisyon.

Bagama’t hanggang ngayon ay itinatanggi pa rin ng mga pangunahing akusado ang partisipasyon nila sa krimen, hindi naman mahirap intindihin na talaga namang may naganap na maramihang pagpatay at ang inaalam na lamang ng husgado ay kung sino-sino ba talaga ang mga responsable sa krimen.

Iyong dami pa lang ng bilang ng mga biktima, ang estado ng mga akusado at maging ang dami ng bilang ng mga akusado at mga testigo ay nabigyan din sana ng timbang bago ibinaba ng SC ang desisyon.

Ang ikinatatakot kasi ng mga pamilya ng mga biktima ay ang pagdating ng panahon na tuluyang makalimutan na ang kaso at mabalewala na rin ang malagim na pangyayaring iyon.

Sa paningin ng maraming nagmamasid, bagamat iginagalang nila ang desisyon, hinihiling nila na sana naman ay nagkaroon ng tinatawag na exception to the rule ang kaso ng Maguindanao massacre.

Siyanga pala, maliban kay Andal Jr., kasama niya rin niyang akusado ang ama niya na si dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr., at kapatid na si dating ARMM chairman Zaldy Ampatuan.

Hindi kaya may milagrong nangyayari sa kasong iyan?

Nagtatanong lang naman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply