Makapiling hepe ng homicide

pakurot

DAPAT sa hepe ng Manila Police District Homicide section na si Sr. Insp. Joselito De Ocampo ay maglagay ng bayong sa kanyang ulo upang matakluban ang kanyang mukha upang hindi siya makilala ng mga tao kung anong ugali meron siya.

Kaya dapat takluban ng bayong ang mukha nitong nasabing opisyal ay upang maihalintulad ito sa mga mapagturong tao noong panahon ng hapon na tinatawag na “Makapili.” Bakit makapili? Kasi naman, walang tibay na maaasahan dito.

Hindi nito kayang tayuan ang kanyang posisyon bilang hepe ng homicide section subalit kayang-kaya naman nitong tanguan ang mga puneraryang nagbibigay sa kanya ng lingguhang protection money bukod pa sa commission sa patay na kanilang ibinibigay
sa punerarya.

Sinasabi ng mga kapatid nating mamamahayag na mabango si De Ocampo kay Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa sumusunod ito sa utos ng alkalde. Pero batid ba ni Mayor Lim na ginagamit ni De Ocampo ang pangalan ng kanyang anak sa iligal nitong gawain?

Ang pagkolekta ng lingguhang parating o payola sa puneraryang kanyang inaalagaan?

Ilang beses na rin namang ipina-rescue ng butihing alkalde ang mga bangkay na sinasabing hino-hostage ng puneraryang binibigyang pabor ng hepe ng homicide sa mga pulis na nakatalaga sa Manila City Hall Public Assistance sa ilalim ng dating hepe nito na si retired Chief Insp. Mar Reyes at pumalit na hepe na si Sr. Insp. Rolando Lorenzo Jr.  at maging kay Manila Department of Social Welfare Director Jay dela Fuente. Kaya paanong sasabihin ni De Ocampo na kaibigan ni Mayor Lim at ng anak nito ang may-ari ng puneraryang kanyang binibigyan ng pabor?

Ipinagyayabang pa ni de Ocampo na malakas kay Mayor Lim ang puneraryang pinanggagalingan ng kanyang dagdag kita dahil malaki ang naitulong nito sa kampanya ng alkalde noong tumakbo ito noong 2007 at 2010. Paanong nangyaring malakas kay Mayor Lim? Hindi nga nakapasok ang mga iyan sa homicide section noong 2007 hanggang 2009 kung hindi pa tinulungan ng isang mamamahayag. Ang dahilan ng mga pulis na nakatalaga noon sa homicide ay sobrang mahal sumingil bukod pa sa balasubas.

Bakit nasabing makapili si de Oampo? Kasi, dahil batid niyang hindi naman nagpupunta sa MPD at bihira din naman sa Manila City Hall ang anak ni Mayor Lim, itinuturo nito na ito ang puntahan at lapitan kapag may puneraryang nais na maghanapbuhay sa homicide section ng MPD.

Ito raw ang kausap ng mga punerarya. Ganun? Samantalang hindi naman ito nakikialam dahil ang concern ng anak ni Mayor Lim ay tulungan ang mga mamamayan ng Maynila umangat ang uri ng pamumuhay at linisin hindi lang ang kanilang lugar subalit panatilihin ang dignidad ng kanilang pamilya.

Nakita ko kung paano igalang ng kaniyang mga kalugar ang anak ni Mayor Lim.  Kaya paano sasabihin ni de Ocampo na ito ang nakikinabang sa benepisyong ibinibigay ng puneraryang kanyang ipinangangalandakan?

Isa pang itinuturo ni De Ocampo na nakikinabang sa puneraryang kinakanlong ng MPD homicide ay si Supt. Santiago Pascual III, hepe ng MPD personnel. Ito raw ang tumulong sa punerarya na makalapit sa MPD. Inilapit rin umano nito ang punerarya sa kanya. Hay naku, hindi nag-iisip si de Ocampo basta ang alam niya ay ang payolang sumasakamay niya linggo-linggo.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply